Manggagawang pangkalusugan, iginigiit ang One Covid-19 allowance
Nagpiket ang mga manggagawang pangkalusugan ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) at Philippine Heart Center (PHC) sa harap ng NKTI sa Quezon City kahapon, Agosto 12. Iginigiit nila ang kagyat na pamamahagi ng One COVID-19 Allowance (OCA) para sa mga manggagawang pangkalusugan.
Sa pangunguna ng Alliance of Health Workers (AHW), pinuna nila ang Department of Health (DOH) sa “kainutilan, pagiging iresponsable at hindi maaasahan” sa pagtitiyak ng kagalingan ng mga mangggawang pangkalusugan sa panahon ng emergency o kagipitan sa pampublikong kalusugan.
Hindi pa rin ipinamamahagi ng DOH ang naturang sustento para sa kanila sa kabila ng malinaw na badyet na inilaan dito na ₱7.92 bilyon para sa taong 2022. Sa katunayan, Pebrero pa ay ibinigay na ng Department of Budget and Management ang naturang halaga sa DOH, ayon pa sa AHW. Nakalaan ito para sa 526,727 na mga manggagawang pangkalusugan at personel na tumutugon sa Covid-19.
Habang naibigay na ang sa ibang pampublikong ospital, mayroong mga ospital na hindi pa rin nakatatanggap ng alawans. Sa tala ng AHW, kabilang sa mga hindi pa nakatatanggap ang PHC (ang alawans para sa Enero 2022 pa lamang kanilang ang natanggap) at NKTI (Enero-Marso pa lamang ang natanggap), na nagbunsod ng protesta nila.
Ayon pa sa grupo, pinakakawawa ang mga manggagawang pangkalusugan sa lokal na gubyerno at pribadong mga ospital dahil nahuhuli sila sa pagtanggap ng alawans na ito.
Para kay Salome Ejes, pangulo ng Philippine Heart Center Employees Association-Alliance of Health Workers (PHCEA-AHW), “nakakawalang-gana at nakakapagod na tuwing usapin ng dapat na natatanggap na benepisyo” ay napababayaan sila. Aniya, dapat maagap na ipinagkakaloob ang OCA.
Samantala inihayag ni Edwin Pacheco, pangulo ng unyon sa NKTI, na “kailangang-kailangan ang kumpensasyon para sa mga manggagawang pangkalusugan na humaharap sa arawang banta ng bayrus na Covid-19.”
Sabi naman ni Banifacio Carmona ng pambansang upisina ng AHW, “marami sa aming hanay ang mabilis na nahawaan ng Covid-19 sa nagdaang taon pero wala pa kaming nakukuhang kumpensasyon…Kung gaano kami kabilis tamaan ng bayrus ay ganoon naman kabagal ang pagrelease ng aming COVID-19 compensation.”
Mag-iisa’t kalahating buwan na sa poder, wala pa ring itinatalagang kalihim sa DOH si Ferdinand Marcos Jr.