Matataas na upisyal ng US, umiikot sa Asia para palakasin ang kontrol ng US sa rehiyon sa huling mga buwan ng rehimeng Biden

,

Kasalukuyang nag-iikot sa Asia si US State Sec. Antony Blinken para sa mga pulong diplomatiko at panseguridad. Nagsimula ang 10-araw at 6-bansang “tour” ni Blinken sa Vietnam kung saan dumalo siya sa libing ni Nguyen Phu Trong, kalihim ng partido komunista ng bansa. Kasunod niyang pupuntahan ang Laos, Japan, Pilipinas at Singapore. Magtatapos ang kanyang “tour” sa Mongolia sa Agosto 3. Ikinasa ang pag-iikot matapos inatras ng kasalukuyang presidente ng US na si Joseph Biden ng kanyang kandidatura pagkapresidente sa halalang US sa Nobyembre.

Sa Japan at Pilipinas, sasamahan si Blinken ni Defense Sec. Lloyd Austin para sa tinaguriang 2+2 na mga pulong. Ang mga pulong na ito ay sa pagitan ng mga kalihim ng ugnayang panlabas at pambansang depensa ng mga bansa. Sasamahan silang dalawa ni Daniel Kritenbrink, ang Assistant Secretary of State for East Asian and Pacific Affairs ng US.

Ayon kay Kritenbrink, isinasagawa ang pag-iikot para bigyan-katiyakan ang mga “alyado” ng US sa Asia na nananatiling “balot-sa-bakal” ang komitment ng gubyernong Biden sa huling anim na buwan nito sa poder.

Sa Japan, nakatakdang pagtibayin ng dalawang bansa ang mga kaisahan na naabot noong Abril sa ginawang Trilateral Summit sa pagitan ng US, Japan at Pilipinas. Kabilang dito ang pagtataas ng Japan ng badyet pangmilitar nito sa “makasaysayang antas” para pataasin ang kakayahang militar nito laban sa “komun” na karibal nilang China. Kabilang dito ang pagpapaunlad ng Japan ng mga armas nukleyar sa tabing ng “nuclear deterrence” (pagpigil ng posibilidad ng isang nukleyar na gera).

Sa tulak ng US, lumalakas ang loob ng Japan na mang-upat ng gera sa rehiyon. Noong Hulyo 4 lamang, sadyang pinasok ng isa sa mga barko nitong destroyer na Suzutsuki, ang teritoryong dagat ng China (sa loob ng 12 nautical miles na karagatan) malapit sa prubinsya ng Zhejiang para “obserbahan” ang mga pagsasanay militar na isinasagawa ng China noon sa lugar. Tulad ng US, pinalulusot ng Japan ang sadyang pagpasok nilang “inosenteng paglalayag” sa kabila ng regulasyon ng China na dapat munang magpaalam ang mga dayuhang barko bago pumasok sa kanilang teritoryo. Katulad sa Pilipinas, may sigalot sa karagatan ang China at Japan sa usapin ng pag-aari ng Senkaku Islands.

Liban dito, idinaos din sa Japan ang pagpupulong ng Quad, kasama ang mga ministro sa ugnayang panlabas ng India at Australia.

Samantala, idadaos ang US-Pilipinas 2+2 sa unang pagkakataon sa Pilipinas sa Hulyo 30, matapos palagian itong ginagawa sa US mula unang buuin ito noong 2012. Pupulungin nina Blinken at Austin sina Enrique Manalo, kalihim ng Depatment of Foreign Affairs at Gilberto Teodoro, kalihim ng Department of National Defense ng Pilipinas. Bago ito, pupulungin ng dalawang upisyal ng US si Ferdinand Marcos sa Malacañang sa Hulyo 29.

Ayon sa pahayag ng US, sasaklawin ng pag-uusap ang mga usapin sa South China Sea, kabilang ang mga kiskisan sa pagitan ng coast guard ng China at mga sundalo ng Pilipinas. Gagawin ito matapos makipagkasundo ang Pilipinas sa China kaugnay sa kondukta ng paghahatid ng suplay sa nabahurang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. Iniulat ngayong araw na mapayapang naisagawa ang gayong paghahatid ng suplay.

Ipopormalisa sa 2+2 na pagpupulong ang General Security of Military Information Agreement, isa na namang tagibang na kasunduang militar sa pagitan ng US at Pilipinas. Laman ng kasunduan ang kunway “pagbabahaginan” ng sensitibong mga impormasyong militar sa pagitan ng dalawang bansa, na pinakamalamang ay sasaklaw lamang sa Pilipinas. Pinopormalisa nito ang malaon nang panghihimasok ng US sa mga internal na usaping may kaugnayan sa pambansang seguridad ng Pilipinas.

Sa pahayag ni Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng PKP, sinabi niya na ang pagdating nina Austin at Blinken sa bansa ay malinaw na indikasyon ng plano ng imperyalismong US na higit pang palakasin ang presensyang militar nito sa Asia. Inilarawan niya ang dalawa bilang “pinakamalalaking halimaw sa gera ng gubyernong US.”

AB: Matataas na upisyal ng US, umiikot sa Asia para palakasin ang kontrol ng US sa rehiyon sa huling mga buwan ng rehimeng Biden