Maysakit na bilanggong pulitikal, giit na palayain sa makataong batayan

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Muling nanawagan ang mga grupo sa karapatang-tao na Karapatan-Central Visayas at Samahan ng Ex-detainees Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA) na palayain ang lubhang maysakit na bilanggong pulitikal na si Ernesto Jude Rimando Jr. Inaresto si Rimando noong Enero 6, 2021 at ikinulong sa Metro Manila District Jail-Annex 2 sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Dumaranas ng napakaraming sakit si Rimando kabilang ang Stage 4 liver cancer, chronic obstructive pulmonary disease at pulmonary tuberculosis. Noong Mayo 18, dinala siya sa Philippine General Hospital (PGH) para sa pagsusuri at napag-alamang naging Stage 4 liver cancer ang kanyang sakit na liver cirrhosis at mayroon na lamang tatlong buwan para mabuhay kung hindi magagamot. Bago nito, limang beses na siyang naglabas-pasok sa ospital.

Noong Hunyo 19, naghain ng petisyon si Atty. Kristian Lora ng Visayas Community Law Center, abugado ni Rimando, sa isang korte sa Bohol para palayain siya batay sa “recognizance” sa makataong mga batayan. Ang ganitong tipo ng pansamantalang kalayaan ay ipinagkakaloob sa mga maituturing na “low-risk” at mababa ang posibilidad na tumakas.

Inihain ni Attorney Lora ang petisyon para mapagbigyan si Rimando na makasama ang kanyang pamilya sa nalalabi niyang mga araw. Sumang-ayon na rin sina Atty. Federico Quevedo at dating Quezon City Rep. Atty. Christopher Belmonte na magsilbi bilang mga “legal custodian” ni Rimando at magtitiyak na haharap sa korte ang bilanggo kapag ipinatawag.

Nilalaman ng petisyon na kung mapahihintulutan ito ng korte, mananatili si Rimando sa PGH para sa paggagamot sa kanya para man lamang mabigyan siya ng “ginhawa, alwan, suporta at para matugunan ang mga sintomas ng kanyang seryosong kundisyong medikal para mapaunlad ang kalidad ng kanyang buhay.”

Si Rimado, sa mahabang panahon, ay nagsilbing tagapagsaliksik ng Alyansa sa mga Mamumuo sa Sugbo. Nagpunta siya sa Metro Manila noong 2020 para magpagamot sa kanyang sakit na liver cirrhosis at sepsis. Bago pa siya makapagpagamot, inaresto siya sa Quezon City.

Mas malupit, siya ay piniringan, tinortyur at agad na ipinailalim sa interogasyon. Pinalabas ng mga umaresto sa kanya na nakakumpiska ng mga baril at granada sa kanyang tinutuluyang apartment. Gumawa ng warrant of arrest ang mga pwersa ng estado sa pangalang “Allan Morales” at ipinagpipilitang iyon si Rimando. Ibinasura ng korte ang mga kasong ito noong Abril 2023 pero nananatili siyang nakakulong dahil sa iba pang mga kaso sa pangalang “Allan Morales” sa Visayas.

“Kumbaga, may taning na nga ang buhay nya, pahihirapan pa sa pagkakakulong niya. Hindi ito makatarungan. Dapat kagyat na siyang palayain at mabigyan ng karampatan at tuluy-tuloy na pagkakataon na makapagpagamot. Hindi makatao ang panatilihin siyang detenido,” pahayag ni Danah Marie Marcellana, tagapagsalita ng SELDA.

AB: Maysakit na bilanggong pulitikal, giit na palayain sa makataong batayan