Meralco, 5 beses na nagtaas ng singil sa loob ng 5 buwan

Limang beses na itinaas ng Meralco ang singil nito sa kuryente mula Abril hanggang Agosto. Ang 5-buwang singil ay umabot sa P0.682 kada kilowatt hour (kwh). Pinakamataas ang dagdag-singil noong Hulyo sa panahong dumaranas ang Metro Manila ang rotational brownout dulot umano sa kakulangan ng suplay ng kuryente.

Kung pagsasama-samahin ang 5-buwang pagtaas, mangangahulugan ito ng DAGDAG na bayaring P136.40 kada buwan sa mga kumukonsumo ng 200kwh at P341para sa mga kumukonsumo ng 500kwh kada buwan.

Noong pang Hulyo pinaiimbestigahan ng Senado ang arbitraryong pagtataas ng Meralco sa singil sa kuryente. Sa panahong ito, ginamit ng Meralco ang iskemang Automatic Generation Rate Adjustment para itaas ang singil nang walang konsultasyon sa mga ahensya ng gubyerno at mga konsyumer.

Ang mga dagdag-singil ay kasabay ng balitang tumaas nang 8% ang netong kita ng Meralco mula 10.6 bilyon noong unang hati ng 2020 tungong 11.4 biilyon sa unang hati ngayong taon. Sa partikular, ayon na rin sa Meralco, tumaas nang 29% ang kita nito sa ikalawang kwarto (Abril-Hunyo) ngayong taon. Kasamang tumaas ang kita ng Meralco PowerGen Corporation, ang subsidyaryong nagsusuplay ng kuryente.

Para bigyan-katwiran ang dagdag-bayarin ngayong Agosto, idinahilan naman ng Meralco ang pagtaas ng singil ng transmisyon.

Kaugnay nito, binira ni Rep. Arlene Brosas ng Gabriela si Energy Sec. Cusi sa kainutilan nito na pigilan ang tuluy-tuloy na pagtaas ng power rates. Anya, mas mabilis pa sa alas-kwatro ang pag-endorso ni Cusi sa tambalang Go-Duterte samantalang huli naman sa paggampan ng kanyang trabaho.

Ang Meralco ay bahagi ng MVP Group of Companies na pinatatakbo ni Manuel V. Pangilinan.

Pagtaas sa singil ng Meralco
Abril — P0.087
Mayo — P0.185
Hunyo — P0.079
Hulyo — P0.235
Agosto P0.096

AB: Meralco, 5 beses na nagtaas ng singil sa loob ng 5 buwan