Mga aktibista sa Cordillera, ginigipit; kinasuhan ng rebelyon

Inaresto ng mga pulis si Jennifer Awingan, isang katutubo ng Kalinga at myembro ng Cordillera Peoples Alliance (CPA) sa kanyang bahay sa Barangay Pinsao Proper, Baguio City noong Enero 30. Sinampahan siya, kasama ang walo pang progresibo, ng gawa-gawang kasong rebelyon sa rehiyon ng Cordillera at Ilocos.

Si Jen Awingan ay mula sa Limos, Kalinga, isa sa mga komunidad na apektado ng Saltan Dams. Aktibo siya sa pagkilos at pagkampanya laban sa proyektong maglulubog sa kanilang komunidad.

Ang atas na arestuhin siya at walong iba pa ay inilabas ni Judge Corpus Alzate ng Regional Trial Court Branch 2 sa Bangued, Abra noong Enero 24. Ang walong iba pa ay sina Windel Bolinget at Steve Tauli, kapwa mga upisyal ng CPA, Sarah Abellon, Lourdes Gimenez, Florence Kang ng Ilocos Center for Research, Empowerment and Development, mamamahayag ng Northern Dispatch na si Niño Oconer, at dalawang pinangalangang Jovensio Tangbawan at Salcedo Dumayom Dappay Jr. Hindi sila pwedeng magpyansa sa mga kasong ito.

Sa nagdaang linggo, binatikos ng iba’t ibang mga demokratiko at progresibong grupo ang pag-aresto kay Awingan at ang gawa-gawang kaso laban sa kanilang siyam. Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), walang naging maayos na proseso ang pagsasampa ng mga kaso laban sa kanila.

Tulad ng dati nang ginagawa ng pulis at militar, pinalalabas nila na si Awingan at ang iba pa ay matataas na mga upisyal ng Partido Komunista ng Pilipinas sa rehiyon.

Giit ng Bayan, dapat na umanong tigilan ang ganitong kalakaran ng estado. “Hindi dapat magpagamit ang mga prosekyutor at husgado sa ganitong mga gawa-gawang kaso at paglabag sa karapatang-tao,” saad ng grupo.

Paliwanag pa nila, matagal nang ginigipit ang siyam na aktibista at naging target ng red-tagging at iba pang panggigigipit ng estado. Si Bolinget ay dati nang ipina-aresto sa gawa-gawang mga kaso at si Tauli ay dinukot at tinortyur ng mga pwersa ng estado noong Agosto 2022.

Bilang tugon sa panggigipit, nagprotesta ang mga kabataan sa Baguio City Police Office main station sa Baguio City noong Enero 30 para igiit ang pagpapalaya kay Awingan at pagbabasura ng mga kaso laban sa kanila.

Sa Quezon City, nagprotesta rin noong araw na iyon ang mga progresibong organisasyon sa Commission on Human Rights.

AB: Mga aktibista sa Cordillera, ginigipit; kinasuhan ng rebelyon