Mga bilanggong pulitikal, ikinalugod ang posibilidad ng negosasyong kapayapaan
Ikinalugod ng mga bilanggong pulitikal ng Pilipinas ang posibilidad ng panunumbalik ng negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP). Umaabot sa 800 ang bilang ng mga bilanggong pulitikal sa bansa.
“Bubuksan kaya ang pintuan ng mga kulungan para sa mga nakapiit sa muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan?” pagtatanong ng grupong Kapatid. Anim na taon na mula nang makaisang-panig na winakasan ng dating rehimeng US-Duterte ang negosasyong pangkapayapaan at pinakawalan ang kanyang mga berdugo para patayin, arestuhin at matagalang ikulong ang mga konsultant sa kapayapaan, progresibo at aktibista.
“Nakikiisa kami sa kapwa mga bilanggong pulitikal, konsultant sa kapayapaan at lahat ng mga Pilipinong nagmamahal sa kapayapaan sa pagtanggap sa pagbabalik ng GRP at NDFP sa negosasyon. Pinagtitibay ng Oslo Joint Statement ang pangangailangang tugunan ang panlipunan, ekonomiko at pulitikal na mga ugat ng armadong tunggalian sa pambansang antas para makamtan ang makatarungan at matagalang kapayapaan,” pahayag ng mga bilanggong pulitikal.
Suportado din ng grupo ang panawagan ng NDFP na garantiyahan ang kaligtasan at bigyan ng immunity ang mga kalahok sa negosasyon, kagyat na pagpapalaya sa mga nakadetineng konsultant sa kapayapaan, at sa pangkalahatan, ang walang kundisyon at omnibus na pagpapalaya sa lahat ng mga bilanggong pulitikal.
Samantala, binatikos nila ang inilabas na Proclamation 404 ni Marcos Jr na nagkakaloob ng bogus na amnestiya sa mga dating kasapi ng CPP-NPA-NDFP. Anila, “lubha itong disbentahe sa target na mga aplikante o deklaradong benepisyaryo” kaya sa halip dapat na lamang itong talakayin at maging bahagi sa adyenda sa paparating na negosasyon.
Pumirma sa naturang pahayag ang mga konsultant sa kapayapaan na sina Rey Casambre, Reynante Gamara, Vicente Ladlad at Adelberto Silva. Kasalukuyan silang nakapiit sa Metro Manila District Jail Annex 4 (MMDJ-4) sa Bicutan, Taguig City. Kasama ding pumirma sa pahayag ang mga bilanggong lider-masa na sina Rene Atadero, Joel Demate, Edisel Legaspi, Maojo Maga, Jude Rimando at 16 pang iba sa MMDJ-4.