Balita

Mga CAFGU sa Masbate, inambus

Inambus ng Bagong Hukbong Bayan ang mga elemento ng Cafgu sa Barangay Manlut-od, Placer, Masbate noong Nobyembre 7. Dalawang elemento ang napatay. Nasamsam sa kanila ang dalawang maikling armas (kalibre .45 at KG-9), ilang mga magasin, mga bala at iba pang kagamitang militar.

Ayon kay Luz del Mar, tagapagsalita ng BHB-Masbate, ang naturang ambus ay dagdag sa higit dalawampung aksyong gerilya na ilinunsad sa prubinsya ngayong taon. Aniya, umaabot sa halos platun ang bilang ng mga kaswalti sa hanay ng AFP, PNP at CAFGU sa mga isinagawang pamamarusa, demolisyon, isnayp, haras at ambus ng hukbong bayan. Ang mga ito ay bahagi ng kampanya ng rebolusyonaryong kilusan laban sa patuloy na paghaharing militar sa prubinsya.

“Layunin ng mga taktikal na opensibang inilulunsad ng Pulang hukbo ang unti-unting pagpapahina at pagbigo sa opensibang militar ng kaaway gayundin ang pagpapatibay sa determinasyon ng masa na kumilos at magkaisa laban sa armadong pang-aapi ng estado,” ayon kay Ka Luz.

Naging kasangkapan ang mga CAFGU sa Retooled Community Support Program (RCSP) na inilulunsad ng militar sa Masbate. Labis ang tuwa ng mga residente ng Masbate laluna sa bayan ng Placer sa matatagumpay na aksyon ng BHB.

Sa sobrang takot ng kaaway, ilan nang mga sundalo at pulis na ayaw nang lumabas sa kanilang kampo sa takot na ma-isnayp o matambangan ng BHB.

AB: Mga CAFGU sa Masbate, inambus