Mga estudyante ng DLSU, nagrali kontra taas-matrikula
Mahigit 100 estudyante ng De La Salle University (DLSU)-Manila ang nagprotesta sa loob ng kampus nito sa Taft Avenue, Malate, Manila noong Enero 31 para ipahayag ang kanilang pagtutol sa nakaambang pagtaas ng matrikula sa susunod na pasukan. Nagmartsa rin ang mga estudyante sa kampus ng DLSU-Laguna sa araw na iyon. Parehong pinangunahan ang pagkilos ng mga konseho ng mag-aaral.
Giit ng mga estudyante, hindi dapat magtaas ng matrikula at sa halip ay magpatupad ng “tuition freeze.” Ayon sa Anakbayan-Vito Cruz, ang tanging makikinabang dito ay ang mga kapitalistang may-aari ng DLSU habang ibayong pahihirapan ang kabataan at kanilang mga pamilya.
Nagmartsa sa loob ng kampus at nagsagawa ng programa ang mga raliyista sa iba’t ibang bahagi ng unibersidad. Nagtalumpati ang mga kinatawan ng University Student Government, mga pangulo ng konseho ng mag-aaral sa mga kolehiyo, partidong pampulitika sa kampus at ang Anakbayan Vito Cruz.
“Maging simbolo sana ito ng ating komitment para sa pagkakaisa at abot-kayang edukasyon,” pahayag ng konseho.
Balak ng DLSU na itaas nang 9.21% ang matrikula. Magtutuluy-tuloy ang kampanya ng mga estudyante para pigilan ito sa harap ng mga pagpupulong para sa “Multi-Sectoral Consultative Committee on Tuition Fees.”
Sa DLSU-Manila, umaabot sa ₱200,000 hanggang ₱225,000 ang abereyds na matrikula kada taon para sa isang bachelor’s degree, habang ₱37,000 hanggang ₱100,000 kada taon naman para sa isang master’s degree at ₱110,000 hanggang ₱205,000 para sa buong programa ng isang doctorate degree.
Ang DLSU-Manila ay pag-aari at pinangangasiwaan ng De La Salle Philippines, Inc, ng relihiyosong grupong De La Salle Brothers o Institute of the Brothers of the Christian Schools. Ang kampus ay bahagi ng mas malaking DLSU System na sumasaklaw sa 16 na institusyon sa Pilpinas.