Balita

Mga grupong simbahan at magsasaka, pinatitigil ang pambobomba mula sa ere ng AFP

Magkasunod na nanawagan ang mga grupo ng magsasaka at grupo ng mga taong-simbahan at tagapagtaguyod ng kapayapaan para sa kagyat na pagpapatigil sa pambobomba mula sa ere ng Armed Forces of the Philippines. Ginawa ang panawagan matapos mabalita ang pambobomba ng mga eroplanong pandigma ng AFP sa Miag-ao, Iloilo noong Disyembre 1 na pumatay ng siyam katao at nagdulot ng troma sa mga sibilyang komunidad.

Ngayong araw, Disyembre 8, nanawagan ang Kilusang Magbubukid sa Pilipinas na itigil ang mga “overkill airstrike” na nagdudulot ng pinsala sa buhay, kabuhayan, at kapaligiran ng mga komunidad ng magsasaka.

“Mahigpit naming kinukundena ang mga airstrike ng PAF. Ang mga airstrike ay palagiang overkill at lubos na mapaminsala. Ang paggamit ng mga air asset ay di rasonable at labag sa internasyunal na makataong batas,” ayon kay Danilo Ramos, pangulo ng KMP.

Noong Disyembre 7, nanawagan ang mga taong-simbahan at tagapagtaguyod ng kapayapaan sa Commission on Human Rights na imbestigahan ang pambobomba na tinawag nitong taktika ng “pagpapabaga ng lupa” o scorched-earth tactic.

Nagdudulot ito ng “di kinakailangang pinsala at paghihirap” sa mga sibilyan, ayon pa sa grupo. Nanawagan ang Citizen’s Alliance for Just Peace (CAJP) ng “sobriety” o paghuhunos-dili at pagpapatigil sa mga pang-aatake ng AFP.

“Hindi ito isolated na insidente,” ayon pa sa grupo. Inihalimbawa nito ang katulad na mga pambobomba sa Las Navas, Northern Samar; Impasug-ong, Bukidnon at sa Butuan City sa nakaraang mga buwan lamang.

“Nagreresulta ang mga pambobomba mula sa ere sa malawakang pinsala at pinakamalamang na magdudulot ng kamatayan o pinsala sa mga sibilyan at mga ari-ariang sibilyan,” ayon sa CAJP. “Ang pambobomba sa Miag-ao kamakailan ay posibleng labag sa internasyunal na makataong batas, na nagbabawal sa paggamit ng “mga gamit sa digmaan” na nagreresulta sa di kinakailangang pinsala o paghihirap.”

Bilang mga tagapagtaguyod ng kapayapaan, nanawagan ang CAJP para sa mga hakbang para malutas ang mga ugat ng armadong tunggalian, at hindi ng “mga taktikang scorched-earth” na nakabalangkas sa kampanyang kontra-insurhensya ng gubyerno. Hindi lamang winawasak ng mga pambobombang ito ang buhay at kabuhayan ng mamamayan at ang kapaligiran, nagdudulot din ito ng troma sa kalapit na mga komunidad.

Umaapela ang CAJP sa mamamayan na isama ang pagpapahalaga sa kapayapaan sa kanilang pagpili kung sino ang iboboto sa darating na eleksyon. Umaasa silang muling bubuksan ng susunod na administrasyon ang usapang pangkapayapaan para makamit ang pampulitikang kasunduan para wakasan ang armadong tunggalian, imbes na ipagpatuloy ang kasalukuyang paraan ng “pinatinding kaharasan, pangwawasak, at paglabag sa mga karapatang-tao at internasyunal na makataong batas.”

Ang CAJP ay binubuo ng Philippine Ecumenical Peace Platform, Pilgrims for Peace, Sulong Peace, at Waging Peace.

AB: Mga grupong simbahan at magsasaka, pinatitigil ang pambobomba mula sa ere ng AFP