Mga kabataan, nagprotesta kontra ROTC, kaltas-badyet at panunupil

,

Naglunsad ng koordinadong protesta ang mga progresibong organisasyon ng kabataan noong Nobyembre 17 bilang paggunita nila sa International Students’ Day. Panawagan nila ang maayos at ligtas na harapang klase, pagtutol sa mandatory ROTC, kaltas-badyet sa mga state university and college at ang nagpapatuloy na panunupil sa kanilang sektor.

Ilang daang kabataan ang nagmartsa mula Morayta sa Manila tungong Mendiola noong hapon ng Nobyembre 17. Lumahok sa protesta ang mga estudyante mula sa University of the Philippines, University of Sto. Tomas (UST), De La Salle University, Polytechnic University of the Philippines, Far Eastern University, Philippine Christian University at iba pang mga pribadong pamantasan sa Metro Manila. Bago nito, naglunsad ng kani-kanyang aktibidad ang mga kabataan sa kanilang eskwelahan.

Nagsimula ang programa nang alas-4 ng hapon sa harap ng UST bago naglakad patungong Mendiola. Hinarang sila ng mga pulis kaya napilitan silang magtungo sa Liwasang Bonifacio at doon magprograma hanggang gabi.

Nagkaroon din ng hiwalay na martsa ang mga kabataan at estudyante mula sa Pasay, Parañaque, at Las Piñas sa sentro ng Parañaque.

Sa Baguio City, nagpiket ang mga kinatawan ng mga konsehong bahagi ng National Union of Students of the Philippines (NUSP) sa panrehiyong upisina ng Commission on Higher Education. Kasabay nito ang paghahain nila ng isang sulat sa ahensya para bawiin ang memorandum ng CHED-Cordillera kaugnay ng binuo nitong “Cordillera Youth for Peace Convergence” na ginagamit sa red-tagging, paninira at pagpapakalat ng maling impormasyon kaugnay ng mga progresibong samahan ng kabataan.

Naglunsad din ng piket at magkakaibang porma ng aktibidad at pagtitipon ang mga estudyante sa Cavite, Laguna, Iloilo, Cebu at Davao City.

Pinamunuan ang naturang protesta ng grupong Anakbayan, League of Filipino Students, Panday Sining, Student Christian Movement of the Philippines, National Union of Students of the Philippines, College Editors Guild of the Philippines at Kabataan Partylist.

Sa pahayag ng grupong Anakbayan, hinamon nito ang rehimeng Marcos na “tugunan ang tunay na problema ng kabataang-estudyante, ilaan ang pondo para sa dekalidad at ligtas na pagbabalik-eskwela at hindi sa Mandatory ROTC.”

Para sa grupo, ang esensya ng pagdiriwang ng International Students’ Day ay ang pagyakap ng mga kabataan at kabataang-estudyante sa tungkuling itaguyod ang demokrasya at kalayaan ng mga kabataan.

AB: Mga kabataan, nagprotesta kontra ROTC, kaltas-badyet at panunupil