Mga Kaso laban sa mga Red-tagger, inihahanda na

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Inianunsyo ng blokeng Makabayan noong Mayo 9 na nakahanda itong kasuhan ang mga nasa likod ng Red-tagging na lumabag sa mga karapatan ng maraming lider at aktibista sa nakaraang mga taon. Kinilala nila ang desisyon ng Korte Suprema na nagdeklarang banta sa buhay, kalayaan at seguridad ng target ng Red-tagging, paninira at guilt by association at na maaaring gawaran ng writ of amparo ang mga biktima nito. Ang deklarasyon ay bahagi ng desisyong naggawad ng writ of amparo sa dating kinatawan ng Bayan Muna na si Siegfried Deduro. Binaliktad nito ang unang kapasyahan ng nakababang korte sa Iloilo City na nagbasura sa kanyang petisyon.

Mahaba ang listahan ng mga aktibista at indibidwal na nired-tag ng mga armadong pwersa ng estado na dumanas ng sarbeylans, panggigipit, intimidasyon, pagdukot at tangkang pagpaslang. Marami rin ang dinukot at di na inilitaw, at tahasang pinaslang.

Unang panawagan ng Makabayan ang pagbubuwag sa NTF-Elcac, ang ahensyang nangunguna sa panrered-tag sa mga pambansa-demokratikong organisasyon at mga myembro nito, mga progresibong indibidwal at institusyon, mga kritiko ng estado at kahit ng mga ordinaryong tao.

Ayon kay dating Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, animo’y “ulan sa gitna ng tagtuyot” ang deklarasyon ng Korte Suprema. Inalala niya ang maraming indibidwal na nagsampa ng petisyon para sa writ of amparo na pinaslang ng armadong ahente ng estado. Kabilang dito si Zara Alvares, aktibistang pangkalusugan sa isla ng Negros, na naghapag ng petisyon para sa writ of amparo. Unang ibinasura ng korte ang kanyang petisyon. Pinaslang siya habang inaapela ito sa korte.

Handa ring magsampa ang Kabataan Partylist (KPL) ng mga kaso laban sa mga Red-tagger ng kabataan. Sistematiko at laganap ang panrered-tag sa mga kasapi at lider ng KPL sa mga inilunsad na mga porum ng militar at NTF-Elcac sa mga unibersidad at hayskul. Inalala ng kinatawan nitong si Raoul Manuel ang mga kaso ng mga nired-tag na pinaslang ng mga sundalo, tulad nina Chad Booc at Jurain Ngujo. Hiwalay pa ang isasampang kaso laban sa mga Red-tagger ng dinukot ng militar tulad nina Jhed Tamano at Jonila Castro, Dyan Gumanao at Armand Dayoha, Eco Dangla at Jak Tiong, gayundin sa mga aktibistang sina Bazoo de Jesus at Dexter Capuyan na hanggang ngayon ay di pa inililitaw.

Sino ang pinakamalalaking Red-tagger sa bansa?

Pangunahing Red-tagger ang mga batalyon at iba pang yunit militar ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police, gayundin ang mga upisyal ng NTF-Elcac at Anti-Terrorism Council. Malaon nang gawi ng mga ito ang Red-tagging pero umarangkada ang taktika sa panahon ng dating rehimeng Duterte hanggang sa kasalukuyang rehimeng Marcos.

Ilan sa pinakamasasahol na Red-tagger ang matataas na upisyal at mga kaalyado ni Duterte, kabilang sina Hermogenes Esperon Jr, Colonel Harold Cabunoc, Mocha Uson, Lorraine Badoy, Jeffrey Celiz, Apollo Quiboloy, Salvador Panelo, at marami pang iba.

Wala ring pakundagan ang paninira ni Duterte mismo at kanyang mga anak na sina Sara at Paolo. Noong eleksyong 2022, ginamit din itong taktika ng noo’y kandidato pagkapresidente na si Panfilo Lacson at isa sa mga kinatawan ng Cavite na si Jesus Remulla.

Di mabilang ang mga aktibidad, porum at pagkakalat ng mga paninira at Red-tagging ng iba’t ibang mga yunit militar sa kanayunan. Kahit noong panahon ng pandemya, abala ang mga yunit na ito, laluna sa Mindanao, sa panrered-tag, panggigipit at pambubuwag ng lehitimong mga organisasyong magsasaka. Ang mga yunit militar din na ito ang naglunsad ng iba’t ibang mga “youth summit” sa mga unibersidad at mga komunidad ng magsasaka na lagi’t laging nakaangkla sa paninira sa mga progresibong institusyon at mga hayag organisasyon ng masa sa kanayunan.

Kakoro ng mga yunit na ito ang mga traydor sa bayan tulad nina Noel Legaspi, Joy Saguin, Kate Raca, Arian Ramos at ilan pang aktibong nakikipagtulungan sa NTF-Elcac at mga katulad ni Bato de la Rosa sa Senado.

Marami ring mga Red-tagger mula antas-baryo hanggang munisipalidad. Kasama dito ang mga katulad ni Rico Maca, Indigenous People Mandatory Representative ng Surigao del Sur, mga lokal na upisyal na gubyerno at mga kapitan at myembro ng mga konseho sa barangay na lantarang nakikipagtulungan sa militar para gipitin ang kanilang mga kababaryo at itanggi ang krimen ng AFP sa kani-kanilang mga saklaw.

Sa larangan ng social media, maraming mga akawnt na walang ibang layunin kundi mangred-tag, manira at magkalat ng disimpormasyon laban sa mga progresibong organisasyon at indibidwal. May bayaran at di bayarang mga indibidwal ring nagtatago sa mga pekeng pangalan o di tunay na pangalan (trolls) na aktibo at mulat na nagkakalat ng gayong disimpormasyon.

AB: Mga Kaso laban sa mga Red-tagger, inihahanda na