Mga kawaning may kapansanan, iligal na tinanggal ng Komisyon sa Wikang Filipino

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Pitong kontraktwal na empleyado ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), kabilang ang dalawang bingi, ang iligal na tinanggal matapos ireklamo ang pamunuan ng komisyon. Kaugnay nito, nagsagawa sila ng protesta kasama ang Philippine Federation of the Deaf sa Liwasang Bonifacio sa Maynila noong Mayo 31.

Kinundena nila sa protesta si KWF Chairman Arthur Casanova sa pagpapatanggal sa mga kawani. Ayon sa mga grupo, ang iligal na pagtatanggal ay banta sa mismong paggana ng Filipino Sign Language (FSL) Unit at pagkakait sa mga bingi ng kanilang karapatan sa wika.

Ipinataw ng komisyon ang desisyon na tanggalin ang mga kawani noong Mayo 13. Ayon mismo sa komisyon, tinanggal sa trabaho ang mga kawani “bunsod ng ‘strained relationship’ (di maayos na relasyon) ng pamunuan ng KWF at ilang kawaning kontraktwal dahil sa kanilnag pagsasampa ng mga walang batayang kaso at akusasyon laban sa Komisyon.”

Noong Pebrero, nagsampa ng reklamong kriminal sa Ombudsman ang isa sa mga tinanggal laban sa Tagapangulo ng KWF. Inilantad nila sa reklamo ang pagkaantala ng sahod ng mga kontraktwal at ang pagkawala ng ₱1.8 milyon pondo para sa FSL Unit ng komisyon noong 2023.

Nagpaabot ng suporta ang sentrong unyon ng mga kawani ng gubyerno na Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) at Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa tinanggal na mga kawani.

“Ang aksyong ito ay hindi makatao at yumuyurak sa karapatan at dignidad ng mga bingi,” ayon sa ACT. Hanggang Hunyo 30 na lamang sa trabaho ang mga kawani.

AB: Mga kawaning may kapansanan, iligal na tinanggal ng Komisyon sa Wikang Filipino