Balita

Mga kinatawan ng Makabayan, tanging tumutol sa niratsadang badyet ng rehimeng Marcos

Tanging ang tatlong kinatawan ng blokeng Makabayan ang bumoto kontra sa iniratsadang General Appropriations Bill (GAB) o panukalang badyet ng rehimeng Marcos para sa 2025. Sa botong 285 pabor, tatlong pagtutol at walang absteyn, inilusot ito sa House of Representatives ng supermayora ng rehimeng Marcos noong Setyembre 25.

Inaprubahan ng kongreso ang kabuuang ₱6.352 trilyong badyet para sa susunod na taon. Walang naging pagbabago sa kwestyunableng ₱10.506 bilyon para sa upisina ni Marcos at ang ₱4.56 bilyong confidential at intelligence funds (CIF) na bahagi nito. Nakalusot rin ang ₱158.665 bilyong “unprogrammed funds” na nakapaloob sa panukalang badyet.

Samantala, kinaltasan ng kongreso ang badyet ng upisina ni Vice President Sara Duterte mula sa ₱2 bilyon nitong panukala tungong ₱733 milyon na lamang. Nais pa sana ng Makabayan na bawasan pa ito dahil sa kabiguan at pagtanggi ni Duterte na sagutin ang pagbusisi ng kongreso sa kanyang paggasta sa pera ng bayan sa nagdaang mga taon.

Sa paliwanag ng pagkontra ni Rep. Arlene Brosas, kinatawan ng Gabriela Women’s Party at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan, idiniin niya na dapat tumugon ang pambansang badyet sa batayang pangangailangan ng taumbayan. “Hindi magiging sagot ang panukalang budget na hindi kumakalinga sa interes ng mamamayan. Hindi ito matutugunan ang lumalalang krisis kung ang batayang pangangailangan ng bawat Pilipino ay kulang,” pahayag ng mambabatas.

Idiniin pa ni Rep. Brosas na hindi katanggap-tanggap ang naging pag-iwas ni Marcos at ni Sara Duterte sa pagbusisi ng kongreso sa kani-kanilang mga panukalang badyet. Aniya, hindi dapat gamitin ang mga “tradisyon” ng anumang bahagi ng gubyerno para lamang takasan ang pag-alam sa paggastos ng pera ng taumbayan.

Labis din ang pagkadismaya ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel sa pagsagasa ng badyet. “Lagi nating naririnig na kulang ang pera para sa edukasyon at SUCs, para sa kalusugang pisikal at pangkaisipan, at para sa pagharap sa mga kalamidad at iba pang epekto ng pagbabago ng klima,” pahayag niya.

Sa kabaligtaran, anang mambabatas, “mayroong pera para sa presidential pork, may pera para sa girian ng US at China, may pera para sa panunupil at pangreredtag!”

Ang panukalang badyet ay mabilisang naaprubahan matapoas itong tatakan na “urgent” ni Marcos. Dahil dito, pinahintulutan na maaprubahan ang panukala sa ikalawa at ikatlong pagdinig sa parehong araw sa halip na dumaan ito sa karaniwang magkakaibang araw. Hinabol ng kongreso na ipasa ito bago ang “recess” o pansamantalang pagsasara nito.

Kaugnay nito, nagpahayag ang Bayan Muna Party na magsasampa ito ng isang petisyon sa Korte Supreme para kwestyunin ang pagpasa ng panukalang badyet at pagtatak dito na “urgent.” Anang grupo, walang “emergency” o pangkagipitang sitwasyon na kinakailangan para tatakan ang naturang panukala na “urgent.”

“Bakit niyo minamadali? May gusto ba kayo ilusot? Bakit ayaw niyo ipakita sa kongresista ang budget na inaprubahan nila?” pahayag ni Atty. Neri Colmenares, tagapangulo ng Bayan Muna at unang nominado nito. Nagsampa na rin ng katulad na petisyon ang grupo noong Setyembre 6 para kwestyunin ang pagratsada at pagsasabatas sa panukalang badyet para sa 2024, pagkakaroon ng “unprogrammed funds” at pagsisingit ng dagdag na badyet sa ilalim ng bicameral committee.

AB: Mga kinatawan ng Makabayan, tanging tumutol sa niratsadang badyet ng rehimeng Marcos