Balita

Mga librong pambata, nired-tag

,

Inatake ng NTF-Elcac at National Intelligence Coordinating Agency ang mga librong pambata na naglalaman ng mga kwento kaugnay sa batas militar sa ilalim ng diktadurang US-Marcos Sr. Nired-tag ng mga upisyal ng estado ang mga libro at sinabing bahagi ito ng plano ng mga “komunista” para “gawing radikal” ang mga batang Pilipino.

Ginawa ang pangrered-tag matapos maglabas ang Adarna House, isang kumpanyang naglalathala ng mga librong pambata, ng tinagurian nitong “#NeverAgain book bundle,” isang nakadiswentong koleksyon ng limang libro. Kalakip ng koleksyon ang mga librong Ito ang Diktadura, Isang Harding Papel, Edsa, Si Jhun-Jhun noong Bago Ideklara ang Batas Militar, at The Magic Arrow.

Binweltahan ng grupong Karapatan ang naturang mga upisyal at sinabing ang naturang mga libro ay gawa ng mga batikan at multi-awarded na mga manunulat at mangguguhit.

“Ang mga ito ay mapagkumbabang mga kontribusyon para maliwanagan ang kabataan kaugnay sa brutalidad na dinanas ng libu-libo sa panahon na iyon,” ayon kay Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng grupo. Nakatitiyak ang grupo na ang pagtatalaga kay Sara Duterte bilang kalihim ng Department of Education, babaha ang dagdag na mga fake news at disimpormasyon — kundiman pagsesensor — sa mga reyalidad ng kasaysayan ng Pilipinas, laluna sa panahon ni Marcos Sr at Duterte Sr.

Kasabay nito, nagpahayag ng matinding pangamba ang mga akademiko sa posibleng pagtanggal ng mga libro kaugnay sa batas militar mula sa akademya at mga aklatan. Ayon sa grupong Akademya at Bayan Laban sa Disimpormasyon at Dayaan, maaaring gumawa ng sistematikong paraan ang mga Marcos para tanggalin ang mga libro at materyal, lalupa’t napakaagresibo ni Marcos Jr sa paglilinis ng kanilang pangalan sa mga libro.

Sa gayon, kailangang tiyakin na napoprotektahan ang mga ito, kasabay ng mga rekord ng mga bitkima ng “gera kontra-droga” ng rehimeng Duterte na nasa Commission on Human Rights at rekord ng pagbibigay danyos sa mga biktima ng batas militar, anila.

Hindi lamang dapat ipreserba ang mga libro tungkol sa diktadurang Marcos, kailangang mas palaganapin pa ang mga ito, ayon naman kay Geraldine Po, may-ari ng Popular Bookstore na naging biktima na rin ng red-tagging ng NTF-Elcac.

“Pinakamaige na ipalaganap natin ang mga librong ito sa mamamayan dahil isinadokumento nito ang mga kahindik-hindik na pangyayari sa ilalim ng batas militar,” aniya.

AB: Mga librong pambata, nired-tag