Mga mag-aaral, tsanselor ng UP Baguio, umalma sa red-tagging

,

Nagprotesta ang mga estudyante at organisasyon ng University of the Philippines-Baguio sa loob ng kampus noong Nobyembre 8 bilang pagkundena sa red-tagging na ginawa ni dating General Paele Jon Bondoc sa isang porum sa pamantasan. Nakiisa sa mga estudyante ang tsanselor ng UP Baguio na si Chancellor Corazon Abansi, mga guro at kawani.

Binweltahan ng mga nagprotesta ang pandadawit ni Gen. Bonodc sa porum na naganap noong Nobyembre 7 sa mga ligal at demokratikong organisasyon sa lihim at rebolusyonaryong armadong kilusan. Ang ganitong malisyosong pagdadawit, anang mga grupo, ay nag-iiwan ng banta sa kanilang buhay at epektibo silang ginagawang target ng armadong pwersa ng estado para sa pag-aresto, pagkulong at pagpaslang.

Ayon kay Shen Angeles ng konseho ng mga mag-aaral sa UP Baguio, natakot ang mga estudyante sa ginawang redtagging. Aniya, hindi ito simpleng usapin ng kalayaan sa pagpapahayag dahil lubhang magkaiba ang pusisyon ng mga grupong nired-tag at mga nakaupo sa gubyerno at mga heneral ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa harap nito, mananatili silang mapagmatyag at kritikal sa mga hakbang ng AFP.

Samantala, sa talumpati ni Chancellor Abansi sa naturang protesta, humingi siya ng paumanhin sa mga estudyante at mga organisasyon dahil hindi umano nila alam na magkakaroon ng kahit anong porma ng red-tagging sa naturang porum.

Ayon pa sa kanya, “sana ay tanggapin ninyo ang aking paumanhin…gagawin namin ang lahat para maprotektahan kayo laban sa red-tagging.” Paniniguro niya sa mga estudyante, magbubuo ang pamantasan ng isang komite para bantayan ang mga kaso ng red-tagging para umano “hindi maging reactive kundi preventive” ang tugon ng pamantasan.

Igiginiit naman ni Ruel Caricativo ng All UP Academic Employees Union na liban sa pagkundena sa red-tagging, dapat umanong mainstitusyunalisa ang pagbabawal ng panghihimasok at presensya ng militar sa loob ng UP. Panawagan niyang isulong at pagtibayin na ang UP-DND Accord bilang isang batas.

“Nagkaisa kami kasi sa karanasaan noon na hindi tayo nag-iimbita ng mga militar kasi wala naman silang added value,” dagdag ni Caricativo. Paninindigan pa niya at ng unyon na “hindi dapat hinahayaan ang ganitong mga paglalapastangan.” Dapat din umanong papanagutin ang mga pwersa ng estado sa aksyong ito, giit niya.

Bilang simbolikong aksyon at pagtutol sa red-tagging, pinirmahan ni Chancy Abansi, Caricativo ng AUPAEU, Kit Barry ng Student Relations Office, at Iya Trinidad ng konseho ng mag-aaral ang isang plakard na may panawagan kontra red-tagging sa loob at labas ng pamantasan.

AB: Mga mag-aaral, tsanselor ng UP Baguio, umalma sa red-tagging