Mga mambabatas ng ASEAN, labis na nadismaya sa hatol laban kay Rep. Castro

, ,

Labis na nadismaya ang ASEAN Parliamentarians for Human Rights (APHR), isang grupo ng mga mambabatas sa mga bansa sa Southeast Asia sa hatol ng korte na nagkasala Rep. France Castro at 17 pang bahagi ng “Talaingod 18” ng child abuse, dahil lamang sa kanilang pagtulong para iligtas ang mga guro at estudyante sa isang mapanganib na sitwasyon.

“Ito ay isang walang-kabuluhang desisyon na walang batayan sa katotohanan,” deklara ng mga mambabatas. “Ang Talaingod 18 ay dapat purihin, hindi parusahan.”

“Dahil sa mahihinang batayan ng desisyong ito, mariing hinihikayat namin ang mga awtoridad ng Pilipinas na bigyan ng pyansa si Rep. Castro at ang kanyang mga kasamahan – at huwag silang iparanas ng kahit isang araw ng di-makatarungang pagkakakulong,” pahayag ng APHR.

“Kami ay nakikiisa kay Rep. France Castro at sa kanyang mga kapwa tagapagtanggol ng karapatang-tao at nanawagan kami sa mas mataas na korte na kilalanin ang kahangalan ng kasong ito at ipawalambisa ang walang-kabuluhang hatol na ito.”

Nagdeklara sina Rep. France at iba pa sa Talaingod 18 na lalabanan nila ang hatol sa lahat ng larangan, at aapela sila sa mas mataas na korte para ipabaliktad ito.

Maaring igawad ang pyansa kahit pagkatapos ang hatol na nagkasala kapag nagsumite ng aplikasyon ang nahatulan. Habang inaapela ang kaso sa mas mataas na korte, maari silang manatiling pansamantalang nakalaya sa ilalim ng dati nilang pyansa.

AB: Mga mambabatas ng ASEAN, labis na nadismaya sa hatol laban kay Rep. Castro