Balita

Mga manggagawa ng CNN Philippines, dapat protektahan sa harap ng posibleng pagsasara

Dismayado ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) dahil hindi ipinaalam o inilinaw ng pamunuan ng istasyon sa telebisyon na CNN Philippines sa mga manggagawa nito ang usapin kaugnay ng posibleng pagsasara ng kumpanya. Naiulat noong Enero 25 na nagdesisyon umano ang Nine Media Corp. at CNN na ihinto na ang kanilang kasunduan sa pagpapatakbo nito dahil diumano sa malaking pagkalugi.

Anang NUJP, “katulad ng karaniwang nangyayari sa ganitong mga sitwasyon, ang mga lumilikha ng content at kung sino pa ang pinakaapektado ng mga desisyon ng korporasyon ay silang huli pang nakaaalam [ng balita].” Pinatutungkulan ng NUJP ang mga manggagawa sa midya na walang kaalam-alam sa katotohanan ng pangyayari.

Ayon sa ulat, ang kasunduan sa pagitan ng dalawang kumpanya ay magtatapos pa sana sa katapusan ng taon ngunit nahihirapan na umano ang Nine Media na bayaran ang lisensya, gayundin ang iba pang mga gastusin sa operasyon nito. Sa Enero 29 pa malalaman ng mga empleyado ng CNN Philippines kung ano ang mangyayari sa kumpanya matapos ang ibinalitang pulong ng pamunuan noong Enero 25.

“Sa mga balita ng posibleng pagsasara, nabanggit ang severance package (o kabayaran sa mga matatanggal) para sa mga apektadong empleyado, at umaasa kaming ganito nga ang mangyayari kapag inianunsyo na ang tanggalan,” ayon pa sa NUJP.

Ayon pa sa kanila, pinatitingkad ng kawalan ng paliwanag at komunikasyon sa pagitan ng pamunuan at empleyado nito kaugnay ng napipintong mga pagbabago ang pangangailangang mag-organisa sa lugar ng paggawa. “Sa minimun, titiyakin nito na nakababalita ang mga empleyado sa mga pagbabago sa loob ng korporasyon na makaapekto sa kanila,” paliwanag ng unyon.

Anila, kinakailangan ng mga manggagawa sa midya ng malinaw na komunikasyon sa mga pamunuan ng newsroom at pati na rin representasyon sa mga usaping makaaapekto sa kanilang karera at arawang buhay.

Ang CNN Philippines ay may tinatayang 200-500 empleyado. Kabilang sa mga programang ipinalalabas nito sa telebisyon at iba pang plataporma ang mga lokal at inernasyunal na balita, mga talakayan sa pulitika, balitang isports, kalusugan at iba pa. Umeere ito sa maraming prubinsya sa bansa sa libreng telebisyon. Samantala, ang CNN International na kadikit nito ay napapanood sa may 200 bansa at teritoryo.

AB: Mga manggagawa ng CNN Philippines, dapat protektahan sa harap ng posibleng pagsasara