Balita

Mga manggagawa ng Converge ICT, lumalaban kontra tanggalan

Tuluy-tuloy ang mga protesta ng mga manggagawa ng Converge ICT, pag-aari ng pamilyang Uy, sa nagdaang linggo laban sa pakanang tanggalan at “cost-cutting” ng kumpanya. Naghain ang kumpanya ng “notice of redundancy” noong Oktubre laban sa 600 manggagawa ng Metroworks (kapatid na kumpanya ng Converge) sa buong Metro Manila.

Tutol sa pakanang ito ang Metroworks Manila Employees Union-ALU-TUCP na kumakatawan sa 547 field technicians nito. Sila ang mga nag-iinstall, nagkukumpuni, nagmamantine, at naglalatag ng mga kable para sa internet na produkto ng Converge ICT. Sa kabila ng malawakang pagtutol ng mga manggagawa, tuluyan silang tinanggal ng kumpanya noong Nobyembre 20.

Pagdadahilan ng kumpanya, kinakailangan nitong magbawas ng manggagawa dahil sa pagbabago ng direksyon sa negosyo nito. Ngunit giit nila, ang totoo ay pinalilipat lamang ang mga regular sa Myriad ICT, isang ahensya sa pagkokontrata (labor agency) na pagmamay-ari din ng pamilyang Uy.

Tiyak ang mga manggagawa na modus lamang ito para makatakas ang kumpanya sa mga kahilingan nilang nararapat na benepisyo, seguridad sa trabaho, at kalayaang mag-unyon. Agrabyado rin sila sapagkat nanggaling ang karamihan sa kanila sa mga kumpanyang telekomunikasyon tulad ng PLDT, Globe, at Skycable, kung saan naranasan nila ang kahirapan ng pagiging kontraktwal.

“Wala ka na halos makikitang regular sa kahit anong (kumpanyang) telekomunikasyon,” pahayag ng isang manggagawa sa panayam nito sa Mayday Multimedia. “Pero kung hindi kami nagsipag, yayaman ba ‘yung mga katulad ni Dennis Anthony Uy? Aabot ba ang Converge sa pinagyayabang nitong higit 2 million subscribers nationwide?”

Unang ipinatupad ng Converge ang patakaran sa malawakang tanggalan sa Calabarzon kung saan hindi unyonisado ang mga manggagawa nito. Kalaunan, ipinatupad ito sa mga branch sa Metro Manila na mahigpit na tinutulan ng unyon.

Itinayo ang unyon nila sa Metro Manila noong Agosto, at bago pa ang tanggalan ay ipinaglalaban na nito sa pakikipagnegosasyon para sa collective bargaining agreement ang makatarungang sahod at benepisyo sa kalusugan. Ni minsan, hindi sila hinarap ng maneydsment at mas malala, ipinatupad ang tanggalan.

Noong Disyembre 6, nagpiket ang mga manggagawa at kanilang unyon sa Regional Conciliation and Mediation Board-NCR sa Quezon Avenue, Quezon City kasabay ng pagdinig sa “redundancy program” at “cost-cutting” ng kumpanyang Converge ICT.

Nananatiling pursigido ang mga manggagawa sa paglaban para sa kanilang mga karapatan. Anila, “ginagawa rin namin ito para hindi na maranasan ng mga susunod pang henerasyon ang kontraktwalisasyon.”

Tinayang umabot sa ₱26.25 bilyon ang kabuuang kita ng Converge ICT sa isang ulat noong katapusan ng Setyembre.

AB: Mga manggagawa ng Converge ICT, lumalaban kontra tanggalan