Mga manggagawang tinanggal, nagpiket sa Mandaue City

Nagpiket sa upisina ng Cebu Easy General Services Corporation, isang man-power agency, sa Barangay Subangdaku, Mandaue City ang mga manggagawa noong Agosto 22 para igiit ang kanilang karapatan sa trabaho.

Tinanggal ang mga manggagawang kinokontrata ng Liwayway Marketing Corporation (LMC), nagmamanupaktura ng OISHI Snack Products, sa pagdadahilang ililipat ang operasyon nito sa bagong planta sa Barangay Catarman, Liloan sa Cebu mula sa Barangay Maguikay, Mandaue City. Liban dito, sinasabi din ng kumpanya na mayroong “redundancy” o nauulit na trabaho kaya sila nagtanggal ng mga manggagawa.

Sa pangunguna ng Liwayway Workers’ Union-ANGLO-KMU, iginiit ng 30 manggagawang tinanggal na ibalik sila sa trabaho at kilalanin ang kanilang mga karapatan sa paggawa. Kinwestyon ng unyon ang mga batayan ng ahensya sa pagtutukoy ng mga manggagawang tatanggalin sa trabaho, na anito’y lantarang pagbuwag sa kanilang unyon.

Binatikos din ng presidente ng unyon na si Elven Cambaya ang pagkuha ng mga bagong manggagawa ng kumpanya para ipalit sa kanila. Aniya, mas mahaba na ang karanasan nila sa planta at alam nila ang kaukulang trabaho dito pero sinisante pa rin sila.

Giit ng mga manggagawa na tiyakin ng ahensya ang makatarungang kumpensasyon sa mga manggagawang tinanggal, katiyakan sa trabaho at makataong kaayusan sa paggawa para sa mga ililipat sa bagong planta.

AB: Mga manggagawang tinanggal, nagpiket sa Mandaue City