Mga martir ng Pantabangan, pinarangalan

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Kinilala at pinarangalan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Luzon (Josepino Corpuz Command) ang 10 Pulang mandirigma at kumander nito na nabuwal sa isang depensibong labanan sa bayan ng Pantabangan, Nueva Ecija noong Hunyo 26. Anang yunit, matapang na hinarap ng mga martir ang mga kaaway at buo ang paninindigang tinanganan ang armas sa naturang labanan hanggang huling hininga.

“Labis ang aming pagdadalamhati sa pagkabuwal ng mahuhusay at magigiting na kadre ng Partido at Hukbong Bayan. Ipinapaabot namin ang mahigpit na yakap at pakikiramay sa mga kapamilya, kaibigan, kasama, at mga masang tunay silang minahal,” pahayag pa ng BHB-Central Luzon.

Kinilala ang mga namartir bilang sina Hilario Guiuo (Ka Berting/Tonyo), Harold Menosa (Ka Luzon), Marian Castro (Ka Lunti), Archie Arceta (Ka Soral/Teo), Asaze Galang (Ka Shyla/Cha), Pepito Bautista (Ka Dylan), Noel Bedonia (Ka Eric/Tagumpay), Noel Bedonia Jr (Ka Angel), Reynan Mendoza (Ka Mel), at Angelika Villalon (Ka Molly). Anang yunit, mula ang 10 sa iba’t ibang henerasyon at uri, sa hanay ng mga magsasaka, mala-manggagawa, tsuper, taong-simbahan, at kabataang-estudyante.

“Walang pagsidlan ang aming hinagpis, poot, at galit sa mga berdugong militar dahil sa kanilang ginawang overkill,” ayon sa panrehiyong yunit ng BHB.

Anito, saksi ang malawak na kabundukan ng Sierra Madre sa mabubuting puso ng mga martir na handang pag-alayan ng lakas, talino, at buhay ang mga katutubong Dumagat, Igorot, Aeta, at masang magsasaka na patuloy na nasasadlak sa mga ugat ng kahirapan sa bansa.

“Simbigat ng Sierra Madre ang kabuluhan ng kanilang buhay, singlawak ng kapatagan ng Gitnang Luson ang kanilang ambag sa pagtatagumay ng digmang bayan, singtayog at singyabong ng mga puno sa kagubatan ang pagkilala ng sambayanan sa kanilang dakilang kabayanihan,” ayon pa sa yunit.

Dagdag pa nito, gaano man kasama isalarawan ng mga berdugong AFP ang pagiging hukbo at komunista ng mga martir, hindi mabubura ang kanilang ginintuang karanasan sa pagsusulong ng interes at kagalingan ng mamamayan.

“Araw-araw nating dakilain ang ating mga bayani. Nabuwal man ang 10 magigiting na hukbo ng BHB-Central Luzon, hindi nito mapipigilan ang pag-igting ng digmang bayan sa Pilipinas sapagkat ang mga dahilan para magrebolusyon ay nananatili, humihinog ang sitwasyon upang patuloy na lumaban ang mamamayang api at pinagsasamantalahan,” ayon pa sa yunit.

Nagpaabot ng pakikiramay ang BHB-Central Luzon sa lahat ng mga kaanak, kaibigan, kasama at kakilala ng mga nabuwal na mandirigma.

Pinagpugayan rin ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang mga martir ng Pantabangan. “Kinikilala ng Partido ang mga sakripisyo at buhay na inialay ng mga martir ng Pantabangan sa walang-pag-iimbot na paglilingkod sa sambayanang Pilipino at layunin para sa pambansa-demokrasya at sosyalistang perspektiba nito,” pahayag ni Ka Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido.

“Tinaglay nila ang komunistang diwa ng pagbibigay ng lahat ng makakaya para sa uring manggagawa at masang anakpawis, binalikat nila ang gabundok na mga tungkulin para sa pagsusulong ng rebolusyon sa kani-kanilang larangan ng responsibilidad,” dagdag pa niya.

AB: Mga martir ng Pantabangan, pinarangalan