Mga migranteng manggagawa, nagprotesta sa Department of Migrant Workers
Nagprotesta ang Migrante kasama ang iba’t-ibang organisasyon noong Marso 17 sa Department of Migrant Workers sa Mandaluyong City para manawagan ng hustisya sa lahat ng mga biktima ng sapilitang migrasyon o labor export program ng estado. Itinaon nila ang pagkilos sa ika-29 anibersaryo ng pagkamatay ni Flor Contemplacion, migranteng manggagawa sa Singapore na binitay noong 1995.
“Hindi na mabilang ang mga Pilipinong nasawi sa ibang bayan,” pahayag ng Migrante Philippines. Kabilang dito sina Joana Demafelis, Bennylyn Aquino, Julleebee Ranara at napakarami pang iba. Samantala, nasa bingit pa rin ng kamatayan si Mary Jane Veloso, biktima ng human trafficking sa Indonesia, at iba pang mga migranteng manggagawa na nasa death row.
Dagdag ng grupo, daan-daang mga domestic helper na sinasamantala at inaabuso ng kanilang mga amo, mga seafarer na nakararanas ng hirap at rasismo sa kanilang mga pinagtatrabahuhan, at ang iba pang migranteng manggagwang Pilipino ay hindi nakatatanggap ng sahod na pantay sa ibang mga lahi at hindi nakatanggap ng end-of service benefits, tulad ng mga biktima ng Saudi Crisis.
Samantala, ang kanilang mga pamilya sa Pilipino ay naghihigpit ng sinturon para lamang mapagkasya ang kanilang mga padala dahil sa tumataas na presyo ng mga bilihin.
Sa harap ng mga ito, giit nilang ideklara ang Marso 17 bilang “Pambansang Araw ng Pag-alala sa mga Migrante.” Anila, dapat itong gawin upang hindi malimutan ng sambayanang Pilipino ang mga hirap at sakripisyong kinailangang danasin ng mga Pilipinong itinutulak ng gubyerno palabas ng bansa.
Iginiit din ng Migrante na itigil ng Kongreso at rehimeng Marcos ang ppakanang charter change dahil ang pagbubukas ng ating yaman pabor sa ibang bansa ay mag-aalis sa proteksyon at magsasadlak sa mga Pilipino sa higit na pagsasamantala.
“Huwag tayong pumayag na madagdagan pa ang mga migranteng biktima na napilitan na iwan ang kanilang pamilya para sa kaginhawaan na hindi nila mahanap sa ating sariling bayan. Ipaglaban natin ang isang lipunang inaaruga at nirerespeto ang ating mga karapatan, may nakabubuhay na sahod at sapat na trabaho, at kapayapaan para sa ating mga pamilya,” pagtatapos ng grupo.