Balita

Mga migranteng domestic worker sa Hong Kong, iginigiit ang taas-sahod

,

Nagprotesta ang mga migranteng domestic worker sa Hong Kong sa harap ng Labour Department dito noong Setyembre 18 para igiit sa gubyerno na itaas ang kanilang natatanggap na minimum na sahod at alawans sa pagkain.

Pinangunahan ang protesta ng Asian Migrants Coordinating Body-AMCB-International Migrants Alliance na kinabibilangan ng mga organisasyon ng mga migrante mula Indonesia, Thailand, Nepal at Pilipinas.

Kasalukuyang nakatatanggap ng HK$4,630 minimum na sahod ang mga domestic worker sa bansa. Ayon sa mga migranteng grupo, dalawang taon nang nakapako ang sahod ng mga domestic worker sa harap ng nagtaaasang presyo ng mga serbisyo at bilihin. Itinutulak ng AMCB na gawing HK$6,014 ang minimum na sahod para sa mga domestic worker at itaas ang alawans sa pagkain tungong HK$3,023.

Sa isang pag-aaral sa Hong Kong noong 2021, tinatayang 69% ng mga domestic worker ay lubhang naapektuhan nang tumama ang pandemyang Covid-19. Tinatayang nasa 385,000 ang kabuuang bilang ng mga dayuhang domestic worker sa Hong Kong, kung saan 69.9% nito ay mula sa Pilipinas.

Kasabay ng naturang protesta ang pagsusumite ng mga petisyon ng mga migranteng grupo kabilang ang United Indonesians Against Overcharging (Pilar-HK), Indonesian Migrant Workers Union, Overseas Nepali Workers Association, Thai Regional Alliance in Hong Kong, Filipino Migrant Workers’ Union at iba pang mga grupo.

AB: Mga migranteng domestic worker sa Hong Kong, iginigiit ang taas-sahod