Balita

Mga rebolusyonaryong grupo, naglunsad ng raling iglap sa Maynila para sa ika-52 anibersaryo ng NDF

,

Dala ang mga bandila ng National Democratic Front (NDF) at mga alyadong organisasyon nito, naglunsad ng raling iglap ang daan-daan mula sa iba’t ibang rebolusyonaryong grupo sa Divisoria sa Maynila noong Abril 29 para ipagdiwang ang anibersaryo ng NDFP. Panawagan nila: “Armadong rebolusyon ang tunay na solusyon!” Ginunita ng NDFP ang ika-52 anibersaryo nito noong Abril 24.

Ang NDF ang rebolusyonaryong nagkakaisang prenteng organisasyon ng sambayanang Pilipino na nakikibaka para sa pambansang kalayaan at para sa demokratikong karapatan ng mga Pilipino. Mayroon itong 18 alyadong organisasyon sa kasalukuyan na kumakatawan sa mga magsasaka, manggagawa, kababaihan, kabataan, taong-simbahan, guro, siyentista, katutubong mamamayan at iba pang sektor.

Layunin nito na paunlarin at pagbuklurin ang lahat ng mga progresibong uri, sektor at pwersa sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino para wakasan ang paghahari ng imperyalismong US at lahat ng lokal na alyado nito na malalaking panginoong maylupa at kumprador, at kamtin ang pambansa at panlipunang paglaya.

“Itanghal at ipagdiwang natin ang mga nakamit at tagumpay ng NDF sa mahigit limang dekadang pagbubuklod sa sambayanang Pilipino,” pahayag ni Elias Dipasupil, pangkalahatang kalihim ng NDF.

Ayon kay Dipasupil, ang NDFP bilang organisasyon ng nagkakaisang prente ay para sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka. “Habang kinikilala ang iba’t ibang porma ng pakikibaka, itinataguyod ng NDFP ang armadong pakikibaka bilang pangunahing porma upang mabaklas ang bulok na malakolonyal at malapyudal na sistema habang unti-unti at tuluy-tuloy na binubuo ang bagong sistema sa pagpapaunlad ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa kanayunan,” aniya.

Mula nang binuo ang NDF noong Abril 24, 1973, ang mga alyadong organisasyon ito ay hindi lamang nagbigay ng suporta sa pulitika, materyal, at teknikal sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) kundi nagpadala rin ng mga Pulang mandirigma, at marami ang naging mga kumander. Ang hukbong bayan ang nagsusulong ng armadong pakikibaka at nagpapatupad ng rebolusyong agraryo at nagbubuo ng baseng masa tungo sa pagtatatag ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika, ang binhi ng demokratikong gubyernong bayan.

Habang inilulunsad pa ang pakikibaka, isinasabuhay at ipinatutupad ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika na ito sa iba’t ibang antas, ang mga bahagi ng 12-puntong programa ng NDF tulad ng minimum na programa sa reporma sa lupa, serbisyo sa kalusugan at edukasyon, pangangalaga sa kalikasan, sistema ng hustisya at iba pa.

Kinakatawan ng NDF ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa bansa sa pagtatag ng proto-diplomatikong relasyon sa mga estado at iba pang internasyunal na ahensya at sa usapang pangkapayapaan sa reaksyunaryong gubyerno ng Republika ng Pilipinas.

Ayon kay Dipasupil, sa harap ng mga tungkuling ito ay “dapat itatag, palawakin at palakasin ng NDFP ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa sa kalunsuran at kanayunan.” Itintutulak ng NDF, sa panawagan ng Partido Komunista ng Pilipinas at balangkas ng kilusang pagwawasto, ang muling pagpapalakas at pagbwelo ng mga lihim na rebolusyonaryong organisasyon sa buong bansa.

Dagdag niya, sa kasalukuyang pandaigdigan at pambansang krisis ay kailangang-kailangan ang mga organisasyong masa para sa paikikibaka ng sambayanang Pilipino laban sa pang-aapi at pagsasamantala at sa pagbubuo ng lipunang nararapat para sa kanila, na nagsisilbi sa kanilang mga interes.

Nagpahayag ng kanilang pagbati ang iba’t ibang organisasyon mula sa antas rehiyon hanggang pambansa, at ang mga partido sa ibayong-dagat para sa anibersaryo ng NDF.

Kabilang dito ang PKP, BHB, mga balangay ng NDF sa Southern Tagalog at Ilocos, NDF-International, Liga ng Agham para sa Bayan, Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan, Kabataang Makabayan at KM-Southern Tagalog, Compatriots, at Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid,

Binati rin ang NDF ng Friends of the Filipino People in Struggles (FFPS) at mga balangay at organisasyon nito. Nagsagawa rin ang FFPS ng mga aktibidad at pagtitipon sa iba’t ibang bansa noong Abril 26 bilang pagdiriwang. Nagpaabot rin ng pagbati ang TKP-ML International Bureau.

Determinado ang NDF na higit pang magpalakas sa darating na mga taon para tuluy-tuloy na sumulong at makapag-ambag sa demokratikong rebolusyong bayan. Ayon kay Dipasupil, “higit pang marami tayong kailangang gawin sa harap ng kasalukuyang krisis.”

Inilatag niya ang kagyat na mga tungkulin ng NDF at mga alyadong organisasyon nito. Panawagan nito na 1) itaguyod at suportahan ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa kanayunan; 2) ilunsad at isustine ang kampanyang Pakamahalin ang Hukbong bayan (Cherish the People’s Army), kabilang ang kampanyang pagpapasampa ng mga Pulang mandirigma para sa Bagong Hukbong Bayan; 3) mulatin, organisahin at rekrutin ang abanteng seksyon ng masa para itatag at muling itayo ang kilusang lihim at mga rebolusyonaryong organisasyong masa; at 4) palaganapin ang 12-puntong programa ng NDFP.

“Walang ibang nararapat para sa mamamayang Pilipino kundi ang paglaya mula sa pang-aapi at pagsasamantala. Nararapat na matamasa nila ang isang makatao at progresibong lipunan at ang isang gubyerno na tunay na maglilingkod para sa kanilang mga pangarap at hangarin. Makakamit lamang ito sa pamamagitan ng pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon hanggang sa tagumpay,” pagtatapos niya.

AB: Mga rebolusyonaryong grupo, naglunsad ng raling iglap sa Maynila para sa ika-52 anibersaryo ng NDF