Mga rebolusyonaryong martir, muling pinarangalan sa Araw ng mga Bayani
Nagtipon ang mga grupo sa karapatang-tao, sa pangunguna ng Hustisya! (Pagkakaisa ng mga Biktima para sa Hustisya), sa Oblation Plaza sa University of the Philippines (UP)-Diliman kahapon, Agosto 24, para parangalan at pagpugayan ang mga reboluyonaryong martir. Bahagi ito ng kanilang paggunita sa Araw ng mga Bayani sa Agosto 26.
Kinilala ng grupo si Maria Concepcion Araneta-Bocala, konsultant sa negosasyong pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), na namartir noong Agosto 15 sa Iloilo. Pinarangalan ang iba pang mga martir ng Iloilo sa mga engkwentro nitong Agosto. Napaslang dito si Benjamin Cortel noong Agosto 5; sina Jose Jerry Takaisan, Rewilmar Torrato at isa pang kasama, noong Agosto 7; at sina Romulo Ituriaga Gangoso, Armando Rogelio Sabares, Aurelio Bosque, Jovelyn Silverio at Jielmor Gauranoz noong Agosto 8.
Pinagpugayan din nila ang mga tanyag na lider-rebolusyonaryong sina Benito Tiamzon at Wilma Austria-Tiamzon, na brutal na pinaslang ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Catbalogan City, Samar noong Agosto 21, 2022, kasama ang walo pa.
“Bukod sa pagbibigay-pugay at pag-alaala sa mga bayani ng bayan, ang paggunita sa Araw ng mga Bayani ay okasyon din para pagnilay-nilayan natin at gawing inspirasyon ang kanilang naging buhay na inialay sa pagpapalaya ng bayan mula sa pang-aapi at pagsasamantala,” pahayag ng grupo. Pagdidiin pa nila, hindi kailanman malilimutan at bibitawan ng mamamayang Pilipino ang kanilang magiting na halimbawa ng buong katapatang paglilingkod sa mamamayan.
Kasabay nito, idiniin ng grupo ang nagpapatuloy na panawagang hustisya para sa mga biktima. Anito, bahagi ang pagkilos ng pagpapatampok sa internasyunal na makataong batas (IHL) at paggalang dito laluna at ginugunita ito ngayong Agosto.
“Kabalintunaan na ang mga pinararangalan natin ngayong bayani ng bayan ay pawang mga biktima ng brutal na paglabag ng rehimeng Marcos Jr sa IHL. Bukod sa pagprotekta sa mga sibilyan, mahigpit na ipinagbabawal sa IHL ang pagpatay o pananakit sa mga kombatant na wala nang kakayahang lumaban,” anang grupo.
Sa ilalim ng rehimeng Marcos, halos 70 mga hors de combat na rebolusyonaryo ang pinaslang ng mga pwersa ng estado. Brutal na ipinatutupad nito ang patakarang “huwag kumuha ng mga bilanggo” na malubhang paglabag sa internasyunal na makataong batas, partikular sa First Geneva Convention, na ginagarantiyahan ang mga karapatan ng mga maysakit at sugatang mandirigma, at Artikulo 41 ng Additional Protocol I, na nagbabawal sa anumang pag-atake laban sa mga kalabang pwersa na kinikilala bilang hors de combat.
Subalit may mas mataas pang prinsipyo kung bakit silang mga bayani ay hindi dapat nilalapastangan. Ito’y dahil sila’y mga rebolusyonaryo. Ayon mismo sa Universal Declaration of Human Rights (UDHR), kinikilala na ang pinakabatayang tuntungan ng pagrerebolusyon bilang huling resolba ng mamamaya ay ang laban sa tiraniya at opresyon ng estado. Kung kaya’t makatarungan lamang ang pagrerebolusyon.