Balita

Mga ruta sa Metro Manila, naparalisa ng tigil-pasada

Tinatayang 90% ng mga ruta ng mga dyip sa buong Metro Manila ang naparalisa ng tigil-pasada ng mga drayber ng mga dyip at pampasaherong van ngayong araw. Ang tigil-pasada ay inilunsad ng mga drayber at opereytor sa pangunguna ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) at grupong Manibela. Magtutuluy-tuloy ang tigil-pasada at mga aksyong protesta sa darating na mga araw.

Sinuportahan ang tigil-pasada ng mga demokratikong organisasyon ng mga manggagawa, kababaihan, kabataan at iba pang sektor. Nagmartsa sila tungong Mendiola sa Manila kanina para igiit kay Marcos Jr na itigil ang anti-mahirap at makadayuhang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng gubyerno na layuning alisin ang mga pampasaherong jeep sa kalsada.

Sa buong araw, nagkaroon ng mga pagkilos ang mga drayber at opereytor sa higit 20 sentro ng protesta sa Metro Manila. Nagtigil-pasada at nagprotesta rin ang mga grupo sa Bulacan, Pampanga, Rizal, Cavite, Laguna, Albay, Camarines Sur at Norte, Cebu City, Bacolod City at iba pang mga prubinsya at mga lungsod.

Ayon sa Piston, “Kahit ang ibang samahang hindi Piston, kumasa at nakiisa sa panawagang welga.” Dagdag pa ng grupo, sa kabila ng panggigipit ng mga pulis, pananakot ng estado, at red-tagging ni VP Sara Duterte, “matagumpay na naikasa ang tigil-pasada dahil sa mainit na suporta ng mamamayan mula sa iba’t ibang sektor.”

Liban sa pagbabasura sa huwad na modernisasyon, panawagan ng Piston na ibasura ang sapilitang pagtatayo ng mga kooperatiba o korporasyon at pagpapaloob dito para kanselahin ang indibiwal na mga prangkisa.

Ipinabatid ngayong hapon sa isang media conference ni Mody Floranda, pangulo ng Piston, na patuloy ang kanilang tigil-pasada at panawagan para sa iba’t ibang klase ng suporta para sa mga tsuper at opereytor na magwewelga.

Giit ng mga tsuper at opereytor, handa silang ipagpatuloy ang tigil-pasada. Ayon pa sa Piston, katumbas ng ilang araw na tigil sa pamamasada ang pakikipaglaban para sa kanilang kabuhayan.

AB: Mga ruta sa Metro Manila, naparalisa ng tigil-pasada