Mga sektor sa Pisay, tutol sa kasunduan sa RTF-Elcac sa West Visayas
Nagpahayag ng nagkakaisang pagtutol ang mga mag-aaral, guro, istap, alumni at mga organisasyon ng iba’t ibang kampus ng Philippine Science High School (PSHS o Pisay) sa binuong kasunduan ng PSHS-Western Visayas Campus (WVC) at ng Regional Task Force-Elcac Region 6 para itatag diumano ang mga “zone of peace” sa mga paaralan. Naniniwala silang bibigyang-daan nito ang panghihimasok ng pulis at militar sa paaralan at isasapanganib ang kalayaang akademiko, kalayaan sa pagpapahayag at kaligtasan ng mga mag-aaral at guro.
“Kilala ang RTF at NTF-Elcac bilang mga red-tagger, tagapamandila ng pekeng balita, at walang-palya sa pag-atake kapwa sa kalayaang akademiko at pamamahayag,” ayon sa pahayag. Ipinaliwanag din nito na sa pamamagitan ng walang-batayang mga akusasyon, dinuktor na mga larawan, at itinatanim na mga dokumento at materyal ay nirered-tag nito ang mga progresibo at kritikal na mga organisasyon.
Pinirmahan ang kasunduan sa pagitan ng mga upisyal ng PSHS-WVC at mga ahensya sa ilalim ng RTC-Elcac noong Setyembre 5 sa upisina ng Philippine National Police (PNP) Police Regional Office 6 sa Camp Martin Teofilo Delgado, Iloilo City.
Nakasaad sa kasunduan na titiyakin ng mga ahensyang pumirma na bubuo ng “Child Protection Committee” sa bawat paaralan para diuamano tiyakin ang “kapayapaan at seguridad ng mga bata.” Bubuo rin umano ito ng isang technical working group na babalangkas ng isang apat na bahaging modyul para “turuan” ang mga estudyante kaugnay ng “mapanlinlang na iskemang pagrerekrut ng mga ‘komunista'” sa kanilang hanay.
Nakatakdang maging bahagi ng National Service Training Program (NSTP) ang naturang modyul at kalaunan ay “ituturo” rin sa mga mag-aaral sa elementarya.
Nagbabala ang mga mag-aaral ng Pisay na sisikilin nito ang karapatan ng mga mag-aaral, guro at ng buong mga paaralan. “Umaaktong kasangkapan ng administrasyon ang TF-Elcac para patahimikin at gawing ilehitimo ang lahat ng oposisyon, kritisismo, at pagtutol laban sa kanilang anti-mamamayang mga patakaran,” anila.
Inihalintulad din nila ito sa isang asong ulol na kahol nang kahol kapag nababanggit ang mga salitang ‘akademikong kalayaan’, ‘kalayaan sa pamamahayag’, ‘karapatang-tao’ at iba pang porma ng kritisimo laban sa naghaharing rehimen.
Sa pahayag, pinagtibay ng mga mag-aaral ang naging makasaysayang papel ng ilang mga mag-aaral ng Pisay na lumahok sa anti-diktadurang pakikibaka hanggang sa pagbabagsak sa diktadurang US-Marcos. Dapat umanong maging patuloy na espasyo ang Pisay para sa “kritikal at progresibong pag-iisip.”
Kinundena nila ang administrasyon ng PSHS-WVC sa pagtataksil sa kanila at iginigiit nila ang kagyat na pag-atras ng administrasyon sa naturang kasunduan. “Lantarang nilalabag ng PSHS ang mismong mga saligang katangian nito sa pakikipagkasundo sa TF-Elcac,” giit ng pahayag.
“Bigo ang PSHS-WVC sa pagiging isang ligtas na komunidad para sa kritikal na pag-iisip para sa mga indibidwal sa pagpapahintulot nito sa RTF-Elcac na manghimasok sa paaralan,” ayon pa dito.