Balita

Mga sibilyan, binweltahan ng mga naghuramentadong sundalo sa Himamaylan

,

Binweltahan ng naghumarentadong mga sundalo ang mga sibilyan sa isang barangay sa Himamaylan City sa Negros Occidental noong Marso 25 matapos makasagupa ng mga ito ang isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Sumiklab ang sagupaan sa pagitan ng 94th IB at mga Pulang mandirigma ng Mount Cansermon Command (MCC-NPA) noong Marso 23, ayon kay Juanito Magbanua, tagapagsalita ng BHB-Negros. Umabot ang sagupaan ng tatlong oras. Nasundan ito ng engkwentro sa Barangay Mahalang, Himamaylan City.

Matapos ang engkwentro, nilusob ng mga sundalo ang kalapit na bahay ng mga sibilyan. Dinukot ng mga sundalo ang magkapatid na sina Arnold Sabanal at Jason Sabanal, sinunog ang bahay ni Jose Gonzales at tinortyur ang residenteng si Danny Gabellon.

Pilit nilang pinatuturo sa mga naturang sibilyan kung nasaan ang BHB. Hindi pa nakoutento, winasak ng kanilang mortar ang bahay ni Kiko Paculangan noong Marso 25. Sa sumunod na araw, nakita na lamang ng mga residente ang patay na katawan ng magkapatid na Sabanal at pinalalabas ng mga berdugo na namatay sila sa engkwentro.

Mariing kinundena ni Magbanua ang mga sundalo ng AFP sa pagpatay sa mga sibilyan. Ang magkapatid na Sabanal ay hindi BHB, pagdidiin ni Magbanua, kundi mga magsasaka sa lugar. Mapapatunayan ito ng mga residente ng lugar.

Kinundena ni Magbanua ang pagsisinungaling ng AFP na pinalalabas na mga kasapi ng BHB ang naturang sibilyan.

Samantala, sa Albay, Bicol, mga sibilyan rin ang binalingan ng galit ng AFP. Ayon sa ulat ng BHB-Albay, pinatay ng 49th IB si Armancio M. Malto, sibilyan at residente ng Purok 5, Barangay Badbad, Oas. Dinakip rin ng mga ito sa Maricris Reblando. Isang sugatang mandirigma din ang hinuli.

AB: Mga sibilyan, binweltahan ng mga naghuramentadong sundalo sa Himamaylan