Mga tanim ng magsasaka sa Aklan, pinagbubunot ng pesteng 12th IB

,

Labis ang galit ng masang magsasaka at residente ng Barangay Dalagsaan, Libacao, Aklan sa paninira at pagbubunot ng pesteng 12th IB sa kanilang tanim na halamang-ugat na palawan at pagsira sa tanim na palay noong Hunyo. Kagutuman at kawalan ng kabuhayan ang idinulot nito sa komunidad.

Dagdag dito, walang-batayang nagpapatupad din ang militar ng blokeyo sa pagkain sa naturang komunidad mula pa Hunyo. Sinira na nga ang kanilang palay, nililimitahan pa ng mga sundalo ang dami ng bigas at pagkain na kanilang bibilhin at ipapasok sa barangay mula sa sentro ng bayan. Ginagawa ito sa paratang na tumutulong ang mga magsasaka sa rebolusyonaryong kilusan.

Labis na nasalanta ang mga magsasaka ng Aklan dahil sa tagtuyot noong panahon ng El Niño na nagsimula noong Hulyo 2023 at nagtapos noong Hunyo. Hindi bababa sa 291 barangay dito ang tinamaan kung saan 39,172 pamilya ang apektado ayon sa huling ulat ng DROMIC ng Department of Social Welfare ang Development (DSWD). Naitala dito ang pagbagsak ng produksyon ng palay dahil sa tagtuyot.

Inirereklamo ng mga magsasaka ang karahasan ng 12th IB laban sa kanila. Anila, sa halip na tulungan sila sa kinahaharap na gutom at kahirapan, ito pa ang naging tugon ng rehimeng US-Marcos na naghatid ng dagdag na pahirap.

Liban dito, sangkot rin ang 12th IB at katimbang nitong 82nd IB sa patung-patong na mga paglabag sa karapatang-tao sa mga barangay Lambunao at Calinog sa Iloilo, at Valderama at Bugasong sa Antique. Mula pa Abril, ipinaiilalim ang mga bayan na ito sa matinding militarisasyon.

Sa ulat ng mga komunidad, araw-araw na nagpabalik-balik ang mga sundalo sa kanilang mga sakahan. Dahil sa takot nag-aalangan na silang magtrabaho dito. Hindi rin sila nakakapanguha ng uway at banban, o nakakapangaso o maghanap ng makakain dahil sa takot na mapag-initan ng mga sundalo.

Samantala, inaresto ng pulis at 3rd ID si Francisco Balois na pinararatangan nitong mataas na upisyal ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Kumakaharap umano si Balois ng kasong pagpatay at pagnanakaw, at nakumiska umano sa kanya ang mga armas at pampasabog nang arestuhin.

Pinasinungalingan na ni Balois at kanyang pamilya ang mga paratang ng mga pwersa ng estado laban sa kanya. Iniulat din ng pamilya na kinumpiska ang kanilang mga selpon at pinalabas sila sa bahay at kung hindi ay pasasabugin ito ng mga sundalo. Sinaktan, sinigawan at tinakot din umano ng mga umaresto si Balois. Kinundena ng Panay Alliance Karapatan ang naturang pag-aresto at paglabag sa mga karapatan ni Balois.

AB: Mga tanim ng magsasaka sa Aklan, pinagbubunot ng pesteng 12th IB