Militar, nag-istraping at nambomba sa Buenavista, Agusan Norte
Tatlong ulit na nang-istraping at naghulog ng mga bomba ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa bayan ng Buenavista sa Agusan del Norte sa huling kwarto ng 2022. Nagbunga ito ng malawakang pagkaligalig at paggambala sa mga komundiad, pagkasira ng mga sakahan at pagkasugat ng isang sibilyan na pinararatangang tagasuporta ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Pinaulanan ng bala ng 23rd IB ang bahay na tinutuluyan ni Juanito Junaldo sa mabundok na bahagi ng Barangay Lower Olave noong Disyembre 2. Dalawampung minutong pinaputukan ang kubo gamit ang K3 masinggan, M16 at M203 grenade launcher. Nasugatan sa paa si Junaldo.
Dalawang ulit na kinanyon ng 23rd IB ang Sityo Tacub, Barangay Rizal noong Nobyembre 5 at Nobyembre 12. Gumawa ng kwento ang AFP na mayroon silang nakasagupang yunit ng BHB sa lugar para bigyang-matwid ang panganganyon sa erya. Iniulat ng mga sundalo na napaslang sa engkwentro ang pinangalanang si Rene Villa o alyas Jokol noong Nobyembre 5.
Pinasinungalingan ng BHB-Agusan del Norte na mayroong yunit ng hukbong bayan sa lugar nang maganap ang insidente. Ayon sa BHB, “puro sakahan at kubo ng mga sibilyan ang binagsakan ng mga bala ng kanyon.”
Nagpasabog ng 12 bala ng kanyon ang 23rd IB sa kabundukan sa Bal-ason, Sityo Balatacan, Barangay Guinabsan noong Oktubre 29. Ayon sa ulat, kinanyon ng AFP ang lugar para pagtakpan ang naganap na misengkwentro sa pagitan ng dalawang yunit ng 23rd IB noong Oktubre 28 at kabiguang mapatamaan ang yunit ng BHB sa erya. Ang misengkwentro ay pinalabas pa nilang isang lehitimong engkwentro sa pagitan ng kanilang yunit at ng BHB.
Ang yunit ng 23rd IB na sangkot sa mga krimeng ito ay nakahimpil sa Barangay Simbalan. Tumatayong kumander ng 23rd IB si Lieutenant Colonel Jeffrey Balingao. Nakapailalim sa 402nd IBde at 4th ID ang naturang batalyon.