Balita

Pekeng engkwentro sa Masbate, layong itaboy ang mga magsasaka sa kanilang lupa

,

Isang pekeng engkwentro ang inilunsad ng 2nd IB ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Sityo Cayang, Barangay Liong, Cataingan, Masbate noong Marso 11. Nagdulot ng walang kapantay na takot at troma sa mga residente ang walang habas na pagpapaputok ng baril ng militar sa komunidad. Ito na ang panlimang pekeng labanan sa lugar simula noong Setyembre 2023 o halos isa kada buwan.

Ayon sa ulat, labis ang takot ng mga residente laluna ang matatanda. Sinindak at pinilit naman ng mga militar ang mga upisyal ng barangay na pumirma ng sertipikasyon na nagpapatotoong may naganap na labanan sa lugar. Nagpalabas pa ang 2nd IB na nakasamsam ito ng matataas at mababang kalibre ng armas, mga kagamitang pandigma at dokumento sa palabas na mga labanan.

Sa pahayag ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Masbate, iisa ang layunin ng pekeng engkwentro—ang itaboy at palayasin ang mga magsasakang residente sa kanilang mga komunidad para mas madaling kamkamin ang kanilang mga lupa.

“Dahil din sa kabiguang matugis ang NPA, nagpapakana na lamang ng mga pekeng labanan ang militar para makurakot ang pabuya at pondong nakalaan sa kada operasyon,” pahayag ni Ka Luz del Mar, tagapagsalita ng BHB sa prubinsya.

Ani Ka Luz, hindi malabong ulit-ulitin ng militar ang ganitong pakana para papaghariin ang takot sa masang Masbatenyo at palabasin na sila ay nagtatagumpay. “Nananawagan ang BHB-Masbate sa mga Masbatenyo na magtiwala sa sariling lakas at pagkakaisa. Hindi titigil ang pang-aalipusta at paglapastangan kung hindi kikilos at lalaban ang masa,” hamon ng tagapagsalita.

Nitong Marso, muling nag-anunsyo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng “dedlayn” para gapiin ang mga yunit ng BHB sa mga larangang gerilya sa katapusan ng buwan, ang lahat ng “bertikal na yunit” ng hukbo sa katapusan ng Hunyo at ang buong BHB sa katapusan ng 2024. Inianunsyo ang bagong taning na dalawang buwan matapos ang huling “dedlayn” ng paggapi sa rebolusyonaryong kilusan sa katapusan ng 2023, at halos taun-taon bago nito.

AB: Pekeng engkwentro sa Masbate, layong itaboy ang mga magsasaka sa kanilang lupa