Balita

Minoryang Mamanwa sa Northern samar, itinaboy ng operasyon ng AFP

,

Nagbakwit noong Mayo ang mga residente ng isang komunidad ng minoryang Mamanwa mula sa Kilometro 7, Barangay San Isidro, Las Navas matapos silang itaboy at palayasin ng pangungubkob at okupasyon ng 87th IB sa erya. Ito ay ayon sa ulat ng pahayagang Larab ng Eastern Visayas na may petsang Hunyo 25, 2022. Sinakop ng mga sundalo ang komunidad para gamiting tactical command post o lunsaran ng AFP ng isang masaklaw na nakapokus na operasyong militar.

Liban sa Kilometro 7, nataboy din ang mga residente ng Kilometro 6 sa takot na maging sentro ng atensyon at pang-aabuso ng mga nag-ooperasyong sundalo.

Nagbakwit ang mga sibilyan matapos dagsain ng 400-500 pasistang tropa ang naturang erya at mga kanugnog nitong mga barangay. Ayon sa Larab, nilayon ng operasyong ito na sugsugin at tuntunin ang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern Samar.

Ayon sa pahayag ni Ka Amado Pesante, tagapasalita ng BHB-Northern Samar, hindi ito ang unang beses na na nagbakwit ang mga residente ng Kilometro 6 at 7 dahil sa karanasan nilang maging biktima ng mga sundalo. Kaya pagdating pa lang ng mga sundalo, “mabilis na nag-iimpake ang mga residente at nililisan ang kanilang mga bahay,” ayon sa kanya.

Lubhang apektado ng okupasyong militar ang kabuhayan at mapayapang pamumuhay ng mga komunidad. “Tulad nang dati, sa pagdating ng mga sundalo, ang mga magsasaka at katutubo … ay natitigil sa kanilang ekonomikong aktibidad,” paliwanag ni Ka Amado.

Natitigil ang mga residente sa pag-aasikaso sa kanilang sakahan, pangangaso o pagyayantok dahil sa takot na mapag-initan ng mga sundalo at mabalingan ng galit o di kaya ay akusahang kasapi ng BHB. Nakapanlulumo dito, dagdag ni Ka Amado, hindi nila malaman kung saan sila kukuha ng ipakakain sa kani-kanilang pamilya.

Wala pang karagdagang ulat kung nakabalik na ba ang mga katutubo at residente sa kanilang komunidad sa kasalukuyan.

Ikalawang beses na ito ng pagbabakwit ng parehong komunidad ngayong taon matapos lumisan ang mag residente dito noong Enero nang maglunsad malaking nakapokus na operasyong militar ang 8ID at nagpakilos ng tinatayang 600-800 na pasistang tropa para suyurin ang parehong kagubatan.

Sa naturang operasyon, kaliwa’t kanan ang paglabag sa karapatang-tao ng mga katutubo at mga magsasaka. Napatigil din ang lahat ng pagtatrabaho sa sakahan.

Kasabay ng mga operasyong kombat ang operasyong Retooled Community Support Program (RCSP) sa mga baryo ng Barangay San Isidro. Sapilitang pinatitipon ang mga residente sa barangay hall para interogahin at pasukuin bilang mga kasapi ng hukbong bayan.

Bago nito, sapilitan din silang pinasama sa “peace rally”. Kinordon ng mga pasistang tropa ang buong baryo isang araw bago ang rali para masigurong walang makalalabas at lahat ng taga-baryo ay mapasasama.

Nanawagan si Ka Amado sa publiko na suportahan ang kahingian ng mga magsasaka na palayasin ang mga pasistang militar sa kanilang komunidad. Iniulat niya rin na liban sa San Isidro, inokupa ng mga sundalo ang buu-buong komunidad ng magsasaka sa ilampung baryo at barangay sa mga bayan ng Las Navas, Catubig, Palapag, Mapanas, Gamay, at Lapinig.

AB: Minoryang Mamanwa sa Northern samar, itinaboy ng operasyon ng AFP