Misang bayan at protesta para sa Guinobatan 2
Higit 500 Bicolano ang nagtipon sa Guinobatan Plaza, Albay kahapon, Disyembre 15, para sa isang misang bayan at parangal sa dalawang aktibistang ekstrahudisyal na pinatay ng mga pulis noong Hulyo 25 sa bayan ng Guinobatan.
Pinatay sina Jaymar Palero at Marlon Napire ng mga pulis matapos mahuling nagpipinta ng panawagang ‘Duterte ibagsak’ sa isang tulay. Kasapi sila ng Organisasyon ng mga Magsasaka sa Albay at Albay People’s Organization. Huli silang nakitang isinasakay ng mga pulis sa isang van.
Daan-daang Bikolano mula sa iba’t-ibang prubinsya ng rehiyon ang dumalo sa naturang protesta sa kabila ng panggigipit at pananakot ng mga pwersa ng estado sa mga aktibista at progresibo.
Pinamunuan ang protesta ng Justice for Guinobatan 2 Movement na binuo para tuluy-tuloy na manawagan ng hustisya para kina Napire at Palero at lahat ng biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang.
Nauna nang nangako ang Bagong Hukbong Bayan-Albay na kakamtin ang hustisya sa pagpaslang ng mga pulis sa dalawang aktibista. Sa isang pahayag noong Nobyembre anito, “Makakaasa ang buong sambayanang Pilipino na hindi bibitiwan ng rebolusyonaryong kilusan ang pagpapanagot sa krimen.”
Hinikayat ni Ka Florante Orobia, tagapagsalita ng naturang yunit ng BHB, ang mamamayang Albayano at Bikolano na suportahan ang pagtindig ng pamilyang Naperi at Palero laban sa pang-aabuso ng estado.