Naglalakihang kita sa gitna ng pagtangging itaas ang sahod

Samutsari ang pagdadahilan ng mga negosyante para ipagkait sa mga manggagawa ang nararapat sa kanilang nakabubuhay na sahod. Umaalma sila kahit sa katiting na ₱150 across the board na ipinapanukala sa Senado dahil “mahihirapan” umano ang mga kumpanya. Nagbanta pa silang mayroong “malulugi” dahil sa taas ng hinihingi. Pinakahuli ang pagdadahilan na maliit na porsyento lamang (17%) ng mga manggagawa ang sasaklawin kung isasabatas ang pagtaas ng sahod at nagkunwaring may pag-aalala sa mayorya ng mga manggagawa na nasa impormal na sektor.

Sa kabilang banda, walang kyeme ang malalaking burges sa pagwasiwas ng naglalakihang kita ng kanilang mga kumpanya bunga ng “pagbubukas” ng ekonomya mula sa mahihigpit na lockdown. Kakoro sila ng estado sa ipinagmamalaki nitong 6.4% na gross domestic product, at diumano’y pagbabalik sa ekonomya ng Pilipinas sa padron ng “mataas na pag-unlad.” (Ang hibang na pahayag na ito ay matagal nang sinasalungat ng Ibon Foundation, ng aktwal na estadistika ng estado, at maging ng International Monetary Fund.)

Nitong nakaraang mga araw lamang, sunud-sunod ang balita kaugnay sa naglalaking kita ng mga kumpanya para sa unang kwarto ng 2023.

Nangunguna rito ang San Miguel Corporation ni Ramon Ang, na nangalandakang tumaas ang netong kita nito nang 27% tungong ₱17.7 bilyon mula Enero hanggang Marso. Ito ay habang tumaas nang 9% ang rebenyu ng mga kumpanya sa ilalim nito tungong ₱346.7 bilyon. Ang kitang ito ay nagmula pangunahin sa mga plantang nagmamanupaktura ng pagkain at inumin, singil sa toll (Metro Manila Skyway system at South Luzon Expressway) at Petron (langis). Pinakamalaki ang inilaki ng kita ng Eagle Cement, ang kumpanya sa semento ni Ang, na ipinailalim niya sa SMC. Ayon sa ulat mismo ng kumpanya, tumaas nang 221% tungong ₱10.3 bilyon ang kita ng Eagle Cement sa unang kwarto ng taon. Higit dito, inaasahan ni Ang na lalupang tataas ang kita ng kanyang mga kumpanya sa susunod na mga buwan.

Lumaki rin ang iniulat na kita ng pamilyang Zobel-Ayala na nagsabing tumaas ang netong kita ng mga kumpanya nito nang 31% tungong ₱10.2 bilyon sa parehong panahon. Kabilang sa mga kumpanyang tumabo ng kita ang Bank of the Philippine Islands, Ayala Land Inc., ACEN, at Globe Telecom.

Samantala, nag-ulat nang 33% pagtaas ng kita o tungong ₱17.3 bilyong ang SM Investments ng pamilyang Sy mula pangunahin sa SM Prime Holdings, BDO Unibank at SM Supermarkets. Kabilang ang mga kumpanyang ito sa may pinakamaraming kontraktwal na manggagawa na tumatanggap ng di nakabubuhay na sahod at minimal, kung meron man, na mga benepisyo.

Noon pang nakaraang taon nag-ulat na “nakabawi na” ang mga kumpanya ng iba pang mga kumprador. Ngayong taon, marami sa kanila ang nagyayabang na nalagpasan na ng kanilang mga kumpanya ang netong kita ng kanilang mga kumpanya kumpara sa bago magpandemya.

Ayon sa Ibon Foundation, ang pinapanukalang ₱150 na across the board ng dagdag-sahod ay katumbas lamang nang 15% ng kita ng pinakamalalaking kumpanya. Dagdag dito, magkakaroon ito ng “second order effect” kung saan gagastusin ng mga manggagawa ang dagdag na sahod para sa pagkain at mga serbisyong inilalako ng marami sa impormal na sektor.

AB: Naglalakihang kita sa gitna ng pagtangging itaas ang sahod