NDFP at GRP, nagkasundong muling buksan ang usapang pangkapayapaan
Koordinado, pero magkahiwalay, na inianunsyo ngayong araw, Nobyembre 28, lampas alas-4 ng hapon sa Pilipinas, ng negotiating panel ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at mataaas na upisyal sa gabinete at militar ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) ang intensyon ng dalawang panig na muling buksan ang usapang pangkapayapaan. Tungo rito, pinirmahan ng NDF Negotiating Panel at ng GRP noong Nobyembre 23 sa Oslo, Norway ang Oslo Joint Communique, ang pinagsanib na pahayag na naglalaman ng hangarin ng dalawang partido na lutasin ang ugat ng nagaganap na gera sibil sa Pilipinas. Sa panig ng NDFP, binasa ang pahayag ni Kasamang Coni Ledesma sa The Netherlands at ni Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Secretary Carlito G. Galvez Jr sa panig ng rehimeng US-Marcos sa Malacañang.
Ang Oslo Joint Communique ay isang deklarasyon ng balak o paghahangad na muling buksan ang peace negotiations at buuin ang balangkas kung papaano ito isasagawa. Isa itong pangkalahatang deklarasyon kung saan pinagsanib ang mga hangarin ng magkabilang panig: ang paglutas sa “malalalim na nakaugat na sosyo-ekonomiko at pulitikal na mga usapin” at “paglutas sa mga ugat ng armadong tunggalian,” sa panig ng NDFP; at sa kabilang panig, ang “pagtatapos ng armadong pakikibaka” at “transpormasyon ng CPP-NPA-NDFP,” na nilalayon ng GRP.
“Ang Pinagsanib na Pahayag na parehong pinirmahan ng NDFP at GRP ay makabuluhan sa sarili nito at nagbubukas sa pinto para sa maraming potensyal at hinaharap sa paghahangad ng isang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa ating sariling bayan at para sa kapakanan ng ating mamamayan,” pahayag ni Ka Luis Jalandoni, myembro ng NDFP National Executive Council at senior consultant sa usapang pangkapayapaan, sa araw na pinirmahan ang pinagsanib na pahayag. Aniya, handa ang parehong Partido na ipagpatuloy ang negosasyon habang “naninindigan sa mga tagumpay at natututo mula sa mga leksyon sa nakaraan.”
Ang pinagsanib na pahayag ay produkto ng isang serye ng mga impormal na talakayan na ginanap sa Netherlands at Norway. Sinimulan ito noon pang 2022 sa pagitan ng mga emisaryo ng GRP at ng NDFP sa tulong ng Royal Norwegian Government (RNG). Sa panig ng GRP, lumagda dito sina Special Assistant to the President Antonio Ernesto F. Lagdameo Jr; Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Secretary Carlito G. Galvez Jr.; at Gen. Emmanuel T. Bautista (Ret).
Para sa NDFP, lumagda sina National Executive Council Member Luis G. Jalandoni; Interim Negotiating Panel Chairperson Julieta de Lima; at myembro ng panel na si Coni K. Ledesma. Ang pagpirma ay sinaksihan ni RNG Special Envoy Christina Lie Revheim.
Pinasalamatan ng NDFP ang RNG para sa matatag na suporta at matiyagang pagsisikap nito sa pamamagitan ng Special Representative Kristina Lei Revheim at Senior Advisor William Hovland na namagitan para pagtagpuin ang dalawang partido sa muling pag-uusap. Pinasalamatan din nito si Senior Advisor Birgitte Sylthe at RNG Ambassador sa Pilipinas na si Christian Lyster.
Ang seremonya ng pagpirma sa Oslo ay dinaluhan ng ministro sa ugnayang panlabas ng RNG na si Espen Barth Eide at ibang mga upisyal ng Ministry of Foreign Affairs, gayundin ng adviser ng Norwegian Center for Conflict Resolution na si Kari With.