Balita

New Clark City, gagawing ‘weapons hub’ ng US at Zionistang Israel sa ilalim ng ‘Pax Silica’

,

fSa kabila ng tumitinding pagkamuhi ng mundo sa imperyalistang Amerikano, buong-buo na pumapayag ang rehimeng Marcos na makaladkad ang Pilipinas sa mga gerang agresyon at kampanyang henosidyo ng US at Israel sa Palestine at Middle East.

Noong Mayo 1, tumungo ang pinuno ng Board of Investments na si Ceferino Rodolfo sa Jerusalem upang aregluhin ang isang Memorandum of Understanding (MOU) sa Zionistang estado ng Israel. Layunin ng MOU na buksan ang Clark Freeport para sa mga kumpanyang Israeli na bahagi ng itatayo ng US na “economic security zone” sa New Clark City sa Pampanga. Pinupuri ng US ang Israel bilang “dalubhasa sa AI at robotics,” mga teknolohiyang hayagang tinawag ni U.S. Under Secretary of State Jacob Helberg na mga bagong “pundasyon ng pambansang lakas (ng US)” at “sensitibong sistemang pangdepensa.”

Nasa proseso ang rehimeng Marcos sa pagsuko ng 1,620 ektaryang lupa sa NCC bilang kauna-unahang “Golden Node” ng inisyatibang Pax Silica. Gagawaran nito ang US, at gayundin ang Israel, ng ekstrateritoryal na mga karapatan dahil ipapailalim ito sa mga batas ng US at hindi ng Pilipinas sa inilulusot na iskemang “joint governance.” Tahasan itong pagsuko na ito sa soberanya ng bansa. Bahagi ang “Golden Node” na ito sa inilalatag ng US na “Luzon Economic Corridor” na sasakop sa mahahalagang lugar ng isla.

“Sa planong pagbubukas ng Golden Node sa mga kumpanyang Israeli, direktang pinakakaladkad ng rehimeng Marcos ang Pilipinas at mga Pilipino sa kasuklam-suklam na gerang henosidyo at mga geranng agresyon ng US at Israel sa Middle East,” ayon kay Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP).

Ang Golden Node na ito ay hindi lamang tungkol sa “AI at semiconductors” kundi bahagi ng mas malawak na militaristang agenda. Ang Pax Silica, na pinangungunahan ng US kasama ang ilang alyado kabilang ang Israel, ay naglalayong bumuo ng tiyakin ang “supply chain” para sa abanteng teknolohiya kapwa para sa gamit komersyal at militar.

Kilala ang Israel sa industriyang militar-teknolohikal na sinusuportahan ng tauhang $17-bilyong ayuda ng US. Nakapagpaunlad ito ng mga sandatang ginagamit sa malawakang pamamaslang, panunupil, at sarbeylans tulad ng mga drone at iba pang armas na gumagamit ng AI. Ang pagpasok nito sa “ecosecurity zone” ng US sa Pilipinas ay nagbibigay-daan sa pagtatayo ng mga pasilidad na direktang susuporta sa mga krimen sa digmaan at krimen laban sa sangkatauhan sa Palestine, Lebanon, Syria, Iran, at iba pang mamamayan sa Middle East.

Sa ilalim ng “joint governance” at economic security zone, magkakaroon ng ekstrateritoryal na mga karapatan ang US at ang Zionistang Israel sa pagpasok ng kanilang mga produkto. Hindi sila sisingilin ng buwis, at hindi ipapailalim sa regulasyon at mga batas ng Pilipinas. Malaking sampal ito sa soberanya ng bansa, kung saan ang isang bahagi ng teritoryo nito ay epektibong nasa ilalim ng batas at konstitusyon ng dayuhang bansa at interes.

Ipinagmamalaki ng rehimeng Marcos Jr. ang “pamumuhunan” at “tech transfer” na kunwa’y matatamo ng bansa sa Pax Silica, gayong malinaw na ang teknolohiya, kaalaman, at produkto ay mananatili sa kamay ng imperyalistang US. Pakikinabangan lamang ng US at Israel ang mura at supil na lakas-paggawang Pilipino at ang imprastruktura, serbisyo, at kalupaan ng bansa.

“Tahasang pagtataksil sa interes ng mamamayang Pilipino ang pagtatayo ng isang dayuhang weapons hub sa bansa,” ayon kay Valbuena. “Lalo nitong isinasapeligyo ang mamamayang Pilipino dahil tinatransporma nito ang mga sibilyang pasilidad tungo sa mga lehitimong target-militar ng alinmang kalaban ng US.”

Habang lumalawak ang mga gerang agresyon at pananalakay ng US sa buong mundo, lumalaki ang panganib na ang mga base, pasilidad at sibilyang imprastrukturang itinayo at itinatayo nito sa bansa, kabilang ang mga Pilipinong magtatrabaho rito, ay sasalakayin o paparalisahin ng kaaway nito.

AB: New Clark City, gagawing ‘weapons hub’ ng US at Zionistang Israel sa ilalim ng ‘Pax Silica’