Notoryus na kriminal at aset ng AFP, pinarusahan ng BHB-Northern Negros
Ipinatupad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command) ang kautusan para parusahan ang notoryus na kriminal at aset paniktik ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na si Efren Solinap noong Marso 11. Napatay si Solinap sa Sityo Tinawgan, Barangay Consing, E.B. Magalona, Negros Occidental.
Ayon kay Ka Cecil Estrella, tagapagsalita ng BHB-Northern Negros, ipinatupad ang parusa kay Solinap na napatunayang maysala sa mga kaso ng pagpaslang, pag-eespiya, at pagnanakaw. Si Solinap ay sangkot at nagsilbing lider ng pangkat ng mga magnanakaw, na imbwelto sa maraming kaso ng panghoholdap at pagpaslang sa nagdaang ilang taon.
Dagdag ni Ka Cecil, nagsilbi rin umano siyang aktibong espiya at giya sa mga operasyong kombat ng militar sa lugar, at nakikipag-ugnayan sa lokal na network sa paniktik ng AFP, panghaharas at pagmamanman sa mga sibilyan.
Dagdag pa ng tagapagsalita, “matagal nang iginigiit ng masa sa komunidad ang pagpaparusa sa kanya dahil sa epekto ng kontra-mamamayan niyang mga aktibidad sa kanila.” Aniya, sapat na panahon na ang ibinigay ng rebolusyonaryong kilusan kay Solinap para iwasto ang kanyang mga gawain at ihinto ang mga kontra-mamamayang gawi. “Sa kahuli-hulihan, nanatili siyang lantad na kontra-rebolusyonaryo at kriminal,” aniya.
“Ang pagparusa kay Solinap ay isang malinaw at mahigpit na paalala sa lahat ng mga nagbabalak na magpahamak sa kagalingan ng mamamamyan,” ayon kay Ka Cecil. Tiyak na papanagutin sila, tulad ni Solinap, dagdag niya.
Hinimok ng BHB-Northern Negros ang lahat ng mga aset paniktik ng AFP at mga elementong anti-sosyal at kriminal sa bayan ng E.B. Magalona at katabing mga bayan na sumuko sa yunit ng hukbong bayan at iwasto ang kanilang mga maling gawain.