Balita

OP-OD para ilantad ang reaksyunaryong eleksyon, inilunsad ng mga organisasyon ng NDF

, ,

Ilang araw bago at pagkatapos ng reaksyunaryong eleksyong midterm noong Mayo 12, nagsagawa ng operasyon pinta-operasyon dikit (OP-OD) ang iba’t ibang organisasyong alyado ng National Democratic Front (NDF) para ilantad ang kabulukan nito. Pangunahing mensahe sa mga OP-OD ang panawagan na ang rebolusyon ang tunay na solusyon na siyang maghahatid ng tunay na pagbabagong panlipunan sa bansa, hindi ang reasyunaryong eleksyon.

Nanawagan ang mga grupo sa kabataan at mamamayan na tumungo sa kanayunan at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) para magsilbing mga Pulang kumander at mandirigma. Anila, lalong nalantad ng katatapos na eleksyon ang pagkabangkarote at pagiging huwad ng naturang “demokratikong proseso.”

Paliwanag pa ng mga grupo, litaw na litaw ang elektronikong pandaraya at iba pang tipo ng anomalya para pumabor sa mga kinatawan ng mga panginoong maylupa, burgesyang kumprador at ng imperyalistang US. Malinaw umano, ang eleksyong midterm ng 2025 ang isa sa pinakamaruming halalan mula nang gawing automated ang sistema noong 2010.

Pinangunahan ng mga balangay ng Kabataang Makabayan (KM) ang OP-OD sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa kampus sa Sta. Mesa at sa prubinsya ng Quezon.

Sa University of the Philippines (UP)-Los Baños, dalawang beses na isinagawa ng KM at ng balangay ng Artista at Manunulat ng Sambayanan (Armas) sa Southern Tagalog ang OP-OD. Lumikha ng talakayan sa hanay ng mga administrador at estudyante ng UPLB ang mga pinta at poster, na layunin ng mga ito.

Sa Baguio City, magkatuwang na isinagawa ng KM-Demokratiko a Tignayan kadagiti Agtutubo iti Kordilyera (KM-Datako) at Armas ang OP-OD sa mga kalye at pader ng syudad.

Sa Rizal, katuwang ng NDF-Rizal ang pamprubinsyang balangay ng KM sa OP-OD. Inilunsad nila ito sa mga bayan ng Taytay at Angono noong Mayo 28. Idinikit nila ang malaking larawan ni Comrade Kathryn bilang simbolo ng mga kabataang tumangan ng armas para makamit ang tunay na demokrasya at kalayaan ng bansa.

Pinangunahan ng Liga ng Agham para sa Bayan (LAB) ang OP-OD sa kampus ng UP-Manila.

Noong May 25, nagsagawa rin ng aktibdiad ang mga kasapi ng Katipunan ng mga Samahan ng Manggagawa (Kasama-NDF) sa mga kalye ng Maynila para manawagan sa mga maralita’t manggagawa na lumahok sa digmang bayan bunsod ng papatinding krisis. Nagsabit ang grupo ng balatengga at nagpinta ng mga panawagan.

“Habang mas nalalantad ang bulok at korap na sistema, mas nagiging malinaw sa mga Pilipino na ang pagbabago ay hindi magmumula sa mga reaksyonaryong pulitiko at mga burukratang kapitalistang nangangako nito. Habang hinahamon nila ang dominasyon sa eleksyon ng mga nang-aapi sa bayan, dapat nilang ituon ang pagtanaw sa landas ng pakikibaka lampas sa eleksyon,” pahayag ni Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), pagkatapos ng halalan.

Pagdidiin niya, “sa pamamagitan lamang ng pagbalikat sa mga kahirapan at kinakailangang sakripisyo sa paglulunsad ng digmang bayan mababago ng sambayanan ang takbo ng kasaysayan ng Pilipinas para kamtin ang kanilang mithiin para sa pambansa at panlipunang paglaya.”

AB: OP-OD para ilantad ang reaksyunaryong eleksyon, inilunsad ng mga organisasyon ng NDF