Organisador ng manggagawa sa Quezon City, tinutukan ng baril ng ahente ng estado

,

Dumanas ng panghaharas at panunutok ng baril mula sa hinihinalang pwersa ng estado ang organisador ng manggagawa sa University of the Philippines-Diliman sa Quezon City na si Grace Villota kahapon ng gabi, Hulyo 22. Galing si Villota sa University Hotel matapos makipagkonsultasyon sa unyon dito hinggil sa kanilang kasalukuyang laban.

Ayon kay Villota, pinipilit siyang isama ng isang lalaking nakasakay sa motorsiklo dahil may gusto umanong kumausap sa kanya. Nang tumanggi siya, tinutukan siya ng baril at pinagbantaan.

Nagsisilbing konsultant si Villota ng University Hotel Workers Union sa kasalukuyan laban nito sa paggiit ng mga karapatan ng manggagawa sa pakikipagnegosasyon para sa collective bargaining agreement sa pagitan ng unyon at maneydsment ng University Hotel.

Sa pakikibaka ng unyon, 26 manggagawa sa hotel ang magiging regular. Ipapaloob ang hakbang na ito sa binuong implementation agreement.

Noong Hunyo, binatikos ng unyon ang pagkakait sa mga manggagawa ang kanilang mga leave credential, clothing allowance, at tamang proseso sa pagpapataw ng suspensyon. Ang mga karapatang ito ay naipagtagumpay ng UHWU sa kanilang pinrimahang CBA kasama ang maneydsment ng UH noong Nobyembre 2022.

Kasunod nito, nagpatuloy ang protesta at paglaban ng UHWU at mga manggagawa ng UH para sa kanilang karapatan. Nagsabit sila ng isang malaking balatengga malapit sa hotel noong Hunyo 2.

AB: Organisador ng manggagawa sa Quezon City, tinutukan ng baril ng ahente ng estado