Organisador sa Isabela, inaresto sa gawa-gawang kaso
Iniulat kahapon, Setyembre 24, ng grupong Karapatan-Cagayan Valley ang di makatarungang pag-aresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Regional Field Unit 2 sa organisador sa komunidad na si Michael Eraña, 46, sa Barangay Nilumisu, Echague, Isabela. Inaresto siya noong Setyembre 21 at kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG Santiago City.
Inaresto siya ng mga pulis sa gawa-gawang kasong pagpatay at pagnanakaw. Pinalalabas pa ng mga pwersa ng estado na nakumpiska sa kanya ang tatlong iba’t ibang uri ng mataas na kalibre ng baril gaya ng ripleng M16, maraming bala at mga magasin ng M16, tatlong granada at isang binocular.
Ang pag-aresto sa kanya ay sa bisa umano ng dalawang warrant of arrest sa kasong “murder” na inilabas ni Judge Isaac de Aban ng Regional Trial Court (RTC) Branch 10 ng Ilagan, Isabela noong Nobyembre 19, 2010 at sa “robbery in band” na inilabas ni Judge Bonifacio Ong ng RTC Branch 17, Ilagan, Isabela noong Pebrero 10, 2011.
Liban dito, si Eraña ay walang-batayang isinali sa listahan ng National Top Most Wanted Person at may patong sa ulo na P380,000 ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ayon sa hiwalay na ulat, dinakip din ng mga pulis ang isang Fedelito Marsamalo, 23, residente ng West Rembo, Makati City matapos umanong humarang sa pag-aresto kay Eraña.
Giit ng Karapatan-Cagayan Valley, si Eraña ay ilang taon nang organisador sa komunidad. Lumaki siya sa isang pamilyang magsasaka at nangarap makapagtapos ng inhineriya ngunit piniling maging isang organisador sa hanay ng api at atrasadong mga komunidad sa kanayunan.