Balita

Organisasyon ng mga mandaragat sa Navotas, itinatag

Sa harap ng bantang pagpapalayas at pagbuwag sa mga tahungan at iba pang istrukturang pangisda sa Navotas, nagtatag ang mga mangingisda, magtatahong, at magbabaklad ng kanilang samahan noong Agosto 25. Katuwang ang pambansang pederasyon ng mga mangingisda na Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), itinatag nila ang Samahan ng mga Magtatahong, Magbabaklad, at Magdaragat sa Navotas.

Hinarap nila ang banta ng pambubuwag noong nakaraang linggo mula sa San Miguel Corp. (SMC) at lokal na pamahalaan ng Navotas City. Layon nitong alisin ang mga tahungan at iba pang palaisdaan sa Navotas para bigyang daan ang mapanirang reklamasyon ng kumpanya.

Ibinalita ng mga residente ang pananakot sa kanila ng SMC at panunuhol sa kanila para bitiwan ang kanilang mga kabuhayan at payagan ang reklamasyon. Tinatayang 1,000 katao ang maapektuhan kung matutuloy ang reklamasyon.

Layon ng Navotas Coastal Bay Reclamation Project na tambakan ang mahigit 600 ektaryang produktibong pangisdaan ng Manila Bay para sa pangnegosyo at pampribadong gamit.

Ang pagtatatag ng organisasyon ng mga mangingisda, magtatahong at magbabaklad, ayon sa Pamalakaya, ay nagpapamalas ng pagkakaisa at paninindigan para sa kanilang karapatan sa pangisdaan, at pagpapatigil sa proyektong reklamasyon.

Hinimok naman ni Pamalakaya Chairperson Fernando Hicap si Navotas City Mayor John Rey Tiangco na protektahan ang kabuhayan ng mga mangingisda sa lungsod. Ani Hicap, pananagutan ni Tiangco ang mga apektadong mangingisda. Aniya, walang naganap na anumang konsultasyon sa mga magtatahong.

Sa sumunod na araw, nagpiket ang mga mangingisda sa pamumuno ng Pamalakaya sa harap ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para ipabatid sa ahensya ang kanilang pagtutol sa mga nakaambang proyektong reklamasyon sa Manila Bay.

Unang linggo pa ng Agosto nang humingi ng pormal na dayalogo ang mga mangingisda mula sa ahensya ngunit walang tugon sa kanila. Sa paggigiit sa protesta, natulak ang ahensyang harapin ang mga mangingisda. Lumahok sa kilos protesta at dayalogo ang mga mangingisda mula sa probinsya ng Rizal at Cavite upang kalampagin ang DENR.

Saad ng Pamalakaya, sa kabuuang 50 proyektong reklamasyon, dalawa na ang nabigyan ng DENR ng Environmental Compliance Certificate (ECC). Kabilang dito ang 420-ektaryang proyekto sa Bacoor Cavite, at 2,500-ektaryang reklamasyon sa Bulacan para sa Bulacan Aerotropolis.

Ipinaliwanag ng mga grupo na dahil sa mga reklamasyong ito, karamihan sa mga fishpond sa Brgy. Maliksi III sa Cavite ay naging landfill, at 600 na mangroves naman ang nasira sa Brgy. Taliptip, Bulacan.

Liban sa epekto sa kabuhayan, lubhang makasasama rin ito sa kalikasan at likas na yaman ng Manila Bay na maaaring magdulot ng ibayo at mas malulubhang sakuna sa Metro Manila.

AB: Organisasyon ng mga mandaragat sa Navotas, itinatag