Balita

₱45/araw dagdag sahod, mga benepisyo, nakamit ng manggagawa ng Globesco

Nagtagumpay ang mga manggagawa ng Globesco, isang kumpanya na nagpapanupaktura ng pintura sa Quezon City, sa pangunguna ng unyon nilang Globesco Free Workers Union, sa pagkamit ng dagdag sahod at karagdagang mga benepisyo sa Collective Bargaining Agreement (CBA) ng unyon at maneydsment noong Abril 18.

Ayon sa ulat ng Alliance of Nationalist and Genuine Labor Organizations – Kilusang Mayo Uno (ANGLO-KMU), pederasyong kinabibilangan ng unyon, nakamit sa negosasyon ang across-the-board na dagdag sahod na ₱45/araw kada taon. Aabot na ang abereyds na sahod ng mga manggagawa ng Globesco nang ₱850-₱900 kada araw.

Liban dito, nagkamit sila ng mga karagdagang benepisyo mula sa pakikipagnegosasyon. Makatatanggap ang mga manggagawa ng health card, ₱15,000 subsidyong bigas mula ₱10,000 kada manggagawa, dagdag na signing bonus, bayad na disaster leave, dagdag na bayad sa 13th month pay, separation pay, at retirement pay, karagdagang uniporme, dagdag na funeral and bereavement aid at payout sa mga namayapang manggagawa.

Naigiit din ng unyon ang karagdagang 12 araw na union leave mula 78 araw tungong 90 araw, dagdag sa Labor Day at Bonifacio Day assistance, karagdagang gamit sa upisina ng unyon, mga break at iba pang tagumpay.

Paliwanag ng ANGLO-KMU, “masaya man ang unyon sa napagtagumpayan nito, alam nito na may mas malaki pang laban sa labas ng pagawaan at marami pa ring tulad nila na hindi nakakatamasa ng nakakabuhay na sahod na ₱1,100/araw.”

Naghahanda na rin ang unyon at ang pederasyon nitong ANGLO-KMU sa nalalapit na paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa sa Mayo 1.

AB: ₱45/araw dagdag sahod, mga benepisyo, nakamit ng manggagawa ng Globesco