Pag-atake sa anak ni VP Robredo, itinuro sa tambalang Marcos-Duterte
Kinundena ng mga grupong kababaihan ang online na pang-aatakeng sekswal ng kampo ng tambalang Marcos-Duterte sa anak ni VP Leni Robredo na si Aika Robredo. Noong April 11, ikinalat ng mga bayarang troll ng tambalang ito ang isang pekeng bidyo ng pornographiya na kunwa’y binibidahan ng nakababatang Robredo.
Direktang itinuro ni Robredo ang kampong Marcos-Duterte bilang salarin. Aniya, hindi na siya nagulat dahil dati na siyang ginawang tampulan ng fake news ni Ferdinand Marcos Jr. Nangako si Robredo na tutugisin ang mga nagpakana at nagpakalat ng malaswang pekeng bidyo.
“Kung paano nila pinatatakbo ang kanilang kampanya ay siya rin ang magiging klase ng kanilang paggugubyerno — puno ng kasinungalingan at pambabato ng putik,” aniya. Aktibo ang kanyang anak na si Aika sa pagbabahay-bahay para sa kanyang kandidatura.
Ayon kay Rep. Arlene Brosas ng Gabriela Women’s Partylist, pinatitingkad ng atakeng ito ang katangian ng eleksyong Pilpino kung saan ang kababaihan ay “mga parausan o tampulan ng mga intrigang sekswal para palakasin ang ibang kandidato.”
Sinisi ni Joms Salvador ng Gabriela si Rodrigo Duterte sa “normalisasyon” ng lahat ng klase ng karahasan laban sa kababaihan dulot ng kanyang “rutina ng pambabastos.” Ang ganitong mga atakeng seksista at “misogynistic” (anti-babae) ay bahagi ng pamamaraang tiraniko na hindi lamang naglalayong ilihis ang atensyon ng mamamamayan mula sa mga usaping bayan, ayon kay Rep Sarah Elago ng Kabataan Partylist. “Minamaliit din nito ang boses ng kababaihan,” aniya.
Nanawagan ang Rural Women Advocates na ipagtanggol ang mga Robredo laban sa mga karahasan laban sa kababaihan. (Lahat ng tatlong anak ni Leni Robredo ay babae.) Anito, malaon nang target ng intimidasyon, iligal na pang-aaresto, sekswal na harasment at panggagahasa ang kababaihan, laluna yaong nasa kanayunan kung saan naghahari-harian ang militar.