Pag-unblock sa website ng Bulatlat, ipinag-utos ng korte
Inilabas ng lokal na korte sa Quezon City ang isang atas kahapon, Agosto 16, na nag-uutos sa National Telecommunications Commission (NTC) na pansamantalang i-unblock ang website ng Bulatlat matapos ang higit dalawang buwan nitong pagkaka-block. Sang-ayon ito sa isinampang ‘writ of preliminary injunction’ ng Bulatlat sa naturang korte.
Ang atas ay inilabas matapos magbayad ng P100,000 bond ng Bulatlat kahapon na magiging kabayaran o danyos sa kalabang partido sakaling matalo ang Bulatlat sa kanilang kaso. Ipinagkakaloob ang ‘writ of preliminary injunction’ ng korte sa kahit anong yugto ng ligal na aksyon bago ilabas ang pinal na atas.
Sa desisyon ng korte, inilatag nito ang “clear at unmistakeable” na karapatan nito na maprotektahan sa ilalim ng mga artikulo ng kalayaan sa pamamahayag at kalayaan sa pagpapahayag sang-ayon sa Konstitusyon ng Pilipinas. Isinaad pa sa atas: “to the Court, any limitation or restriction in the exercise of one’s right, no matter the extent, is a form of deprivation and clearly a violation of such right” (para sa Korte, ang kahit anong limitasyon o restriksyon sa pagtupad sa karapatan, anuman ang saklaw, ay porma ng pagkakait at malinaw na paglabag sa ganoong karapatan”.)
Ang website ng Bulatlat, kabilang ang 27 iba pang mga website ng mga progresibong midya at organisasyon, ay ipina-block sa rekwes ni national security adviser Hermogenes Esperon Jr. matapos itong paratangang mga kasabwat ng armadong rebolusyonaryong kilusan.
Ngayong araw, Agosto 17, ay dapat maaaring nang muling ma-akses ang website ng Bulatlat subalit ayon sa mga ulat, nananatiling naka-block ang website sa ilang mga internet provider.
Umani ng malawakang suporta ang Bulatlat mula sa mga organisasyong pangmidya at mga nagtataguyod ng karapatang sa malayang pamamahayag. Pinatampok nila ang kampanyang #UnblockTheTruth at #DefendPressFreedom. Naging katuwang ng Bulatlat ang kanilang mga tagasuporta para bunuin ang ibinayad na P100,000 bond.
Sa pahayag ng National Union of Journalists of the Philippines, kinikilala nito ang atas ng korte bilang “inisyal na tagumpay para sa kalayaan sa pamamahayag, at patunay na may kakayahan ang kolektibong aksyon na dumepensa laban sa mga pag-atake independyenteng midya.”
Dagdag nito, “umaasa kaming ang desisyong ito ay isang hakbang tungo sa tuluyang pagbabasura sa baluktot na interpretasyon nito sa Anti-Terrorism Act.”
Samantala, ayon sa International Federation of Journalists, ang “pag-restrict sa akses sa independyenteng digital na mga organisasyong pangmidya ay lumalabag sa pundamental na karapatan sa kalayaan sa pamamahayag at kalayaan sa pagpapahayag.” Ginigiit din ng IFJ sa mga awtoridad ng Pilipinas na tigilan na ang lahat ng porma ng pagsesensura at ligal na harasment sa independyenteng midya.”