Pagbansag na terorista sa konsultant ng NDF, kinundena
Kinundena ng National Democratic Front of the PHilippines ang pagparada at pagbansag na terorista sa isa sa mga konsultant nito sa usapang pangkapayapaan. Ito ay matapos ipinrisenta ng Philippine National Police si Eric Casilao sa midya at publiko habang inililipat sa kustodiya sa Ninoy Aquino International Airport noong Abril 17. Nadakip si Casilao habang tumatawid mula sa Malaysia tungong Thailand Abril 1.
Sa pahayag ni Juliet de Lima, interim na pinuno ng negotiating panel ng NDFP, sinabi niyang hindi dapat tinatawag ng mga awtoridad si Casilao na “terorista.”
“(H)indi ito katanggap-tanggap,” aniya. “(H)indi lamang ito labag sa batayang mga karapatang-tao at internasyunal na makataong batas, ito rin ay walang kahiya-hiyang di makatao.” Tinawag niya ang mga pulis bilang “tunay na terorista” na nagpaparada ng kanilang mga nadakip sa publiko para ipahiya at kutyain tulad ng gawi sa “madidilim na panahon ng di sibilisadong kondukta.”
Karapatan ni Casilao na ipagpalagay na “inosente hanggang mapatunayang maysala” sa lahat ng mga alegasyon sa kanya, at may karapatan din siya sa abugado at iba pang batayang karapatang sibil ng mga sistemang sibilisado, ayon pa kay de Lima. Napapabilang si Casilao sa Reciprocal Working Committee on the Comprehensive Agreement on Socio Economic Reforms para sa Southern Mindanao.
Bago nito, nagpahayag ng matinding pagkabahala si dating Anakpawis Rep. Ariel Casilao, kapatid ni Eric, sa balitang idedeport ang kanyang kapatid nang walang abugado. Ilang oras matapos ianunsyo ng PNP ang press conference para “iharap” sa midya si Eric Casilao, nanawagan siya na tiyakin ang batayang mga karapatan ng kanyang kapatid.
Ayon sa dating kongresista, malamang ay nais maghanap ng political asylum ng kanyang kapatid. Si Eric Casilao ay dating upisyal ng grupo ng kabataan na Anak ng Bayan Partylist at tumakbo sa eleksyon noong 2004. Mula noon ay walang tigil na siyang ginigipit ng AFP/PNP.
Samantala, binweltahan din ng abugado ni Casilao na si Atty. Jobert Pahilga ang pagbansag sa kanyang kliyente bilang terorista.
“Hindi terorista ang aking kliyente,” aniya. “Matagal na siyang nakikibaka kasama ang mga magsasaka at lumad sa Mindanao laban sa malawakang mapaminsalang mga operasyon sa mina, ekspansyon ng mga plantasyon at palagiang kawalang lupa.”
Tulad ni de Lima, iginiit ni Pahilga na dapat sundin ang nararapat na proseso ng batas. “Hindi pa siya napapatunayang nagkasala sa mga krimen na sinabing ginawa niya. Anuman ang mga kasong isinampa laban sa kanya ay dapat mapatunayan sa korte matapos ang paglilitis, at matapos mabigyan siya ng pagkakataong marinig.”
Nabigyan si Pahilga ng pagkakataong makausap ang kanyang kliyente noon lamang Abril 18. Sa ngayon, nakadetine si Casilao sa Davao de Oro.