Pagbasura ng Korte Suprema sa kasong graft ni Enrile, binatikos ng mga magniniyog

Labis na nadismaya ang mga magniniyog sa pagbasura ng Korte Suprema sa kasong graft na isinampa laban kay Juan Ponce Enrile noon pang 1990. Ang desisyon ng korte na may petsang Enero 16 ay inilabas noong Pebrero 8. Kaugnay ito ng paglulustay ng milyun-milyong pondo sa coco levy habang nanunungkulan si Enrile sa pamunuan ng United Coconut Planters Bank (UCPB).

Liban kay Enrile, pinaburan din ng Korte Suprema ang mga negosyanteng sina Jose Concepcion, Rolando dela Cuesta, Narciso Pineda, at Danilo Ursua. Kaugnay ang kaso sa paggamit ni Enrile sa kanyang pusisyon sa UCPB para ilipat ang ₱840 milyong pondo ng coco levy tungo sa Agricultural Investors Inc, negosyong pag-aari ng kroni ni Marcos Sr na si Eduardo Cojuangco Jr.

Ang pondong coco levy ay nagmula sa buwis na ipinataw ng gubyerno sa mga magniniyog noong panahon ng batas militar na ibinulsa ng mga kroni ni Marcos Sr. Sa kasalukuyan, tinatayang lampas ₱100 bilyon na ang pondo.

Ayon sa grupong Pinagkaisang Lakas ng mga Magbubukid sa Quezon (Piglas), “pambabastos ang desisyong ito sa mga biktima ng Guinayangan Massacre na ating inalala nito lamang Pebrero 1.” Isa ang Guinyangan Massacre sa malalagim at brutal na masaker ng rehimeng Marcos Sr noong panahon ng diktadura.

Noong Pebrero 1, 1981, dalawa ang napaslang habang daan-daan ang nasugatan matapos pagbabarilin ng Philippine Constabulary ang mga Quezonin na nagmartsa sa bayan ng Guinyangan para iprotesta ang di pantay na partihan ng magsasaka at may-ari ng lupa, mababang presyo ng kopra at pagbawi sa Coco Levy Fund.

Para sa grupong CARMMA (Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law), nakapangingilabot na matapos ang pitong taon na bigong pagdesisyon sa paunang imbestigasyon sa kaso, mismong upisyal pa sa graft ng Ombudsman ang nagtulak na ibasura ito.

“Ang pagbawi sa nakaw na yaman ng mga Marcos at kanilang mga tau-tauhan at kroni ay isang mahirap na laban, lalupa ngayon na mayroong panibagong Marcos sa Malacañang,” pahayag pa ng CARMMA.

Subalit, anila, walang imposible sa pagsisikap ng mamamayang Pilipino na makamtan ang hustisya at papanagutin ang mga Marcos at kanilang kroni sa grandsyosong pagnanakaw sa pondo ng bayan.

AB: Pagbasura ng Korte Suprema sa kasong graft ni Enrile, binatikos ng mga magniniyog