Pagbisita ni Marcos Jr sa US, sinalubong ng mga demonstrasyon
Magkakasunod na protesta ang isinalubong ng mga progresibong organisasyon ng mga Pilipino sa isang linggong pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa United States simula Setyembre 18. Sigaw ng mga Pilipino ang mga panawagang panagutin ang pamilyang Marcos sa kanilang mga krimen sa bayan, korapsyon at paglabag sa karapatang-tao. Kinundena rin nila ang sumisirit na mga presyo ng bilihin sa Pilipinas, implasyon, kagutuman at krisis na dinaranas ng bayan sa kasalukuyan.
Noong Setyembre 18, nagrali ang mga migranteng Pilipino sa labas ng New Jersey Performing Arts Center sa Newark, New Jersey kung saan nagtalumpati si Marcos Jr.
Sa sumunod na araw, nagrali sa harap ng New York Stock Exchange sa Wall Street ang mga Pilipino kung saan nakipagpulong si Marcos Jr sa mga lider ng ibang bansa. Harap-harapan nilang isinagaw kay Marcos Jr ang kanilang mga hinaing habang papasakay siya ng sasakyan matapos ang pulong.
Naglunsad din ng protesta ang mga kabataan sa pangunguna ng Kabataan Alliance sa Dag Hammarskjöld Plaza sa Midtown Manhattan, New York City kasabay ng inilulunsad na UN Transforming Education Summit. Iginigiit nila sa UN na dapat papanagutin ang rehimeng Marcos at kasalukuyang kalihim ng Department of Education na si Sara Duterte sa krisis sa edukasyon sa Pilipinas. Giit nila: pera para sa edukasyon, hindi sa gera at militarisasyon.
Nasa US si Marcos Jr para lumahok sa United Nations General Assembly na isasagawa mula Setyembre 20 hanggang 26 sa New York City. Nakatakdang magprotesta ang iba’t ibang mga grupo kasabay ng pagbubukas ng asembleya. Magiging bahagi na rin ito ng serye ng mga protesta bilang paggunita sa ika-50 aniberasryo ng deklarasyon ng batas militar ng diktadurang US-Marcos at paniningil sa kanilang pamilya.