Pagbubukas sa mga susing industriya sa mga dayuhan, magpapahirap sa mga Pilipino
Magpapahirap sa mga Pilipinong negosyante at sa mamamayan sa pangkalahatan ang pagbubukas ng rehimeng Duterte sa susing mga industriya at pampublikong serbisyo sa ganap dayuhang pagmamay-ari.
“Lalo nitong pahihirapan ang mga negosyanteng Pilipino na umunlad,” ayon sa Ibon Foundatiion. Delikado umano ang pagbubukas sa sektor sa mga dayuhan dahil mapupunta sa mga dayuhan ang pakinabang na dapat ay tatamasain ng mamamayan kung mga Pilipinong negosyo ang may hawak sa telekomunikasyon, shipping, tren at iba pa.
Ayon din kay Rep. Carlos Zarate ng Bayan Muna, ang pagbubukas ng mga serbisyong ito sa mga dayuhan ay katulad lamang sa pagsasabatas ng deregulasyon ng langis at sa industriya ng kuryente. “Tingnan natin ngayon (ang epekto ng mga ito) sa nagtataasang singil sa kuryente at walang patid na pagtaas ng presyo ng langis,” aniya.
Dagdag pa ni Rep. Ferdinand Gaite, ang orihinal na batas na nagbabawal sa pagmamay-ari ng mga dayuhan sa susing mga industriyang ito ay para protektahan ang ekonomya at mga Pilipino. “Kailan naging masama ang pagprotekta sa ekonomyang Pilipino?”
Pinirmahan ni Rodrigo Duterte noong nakaraang linggo ang Republic Act No. 11647 na nag-amyenda sa Public Service Act na nagsasaad na hindi na kabilang sa mga ituturing na pampublikong yutilidad ang serbisyong telekomunikasyon, paglalayag, railway at subway, airline, expressway at tollway at mga paliparan. Ibig sabihin, hindi na aplikable sa mga ito ang pagbabawal sa mga dayuhan na buong magmay-ari ng mga negosyong nagpapatakbo ng mga ito. Ito ay sa kabila ng restriksyon ng reaksyunaryong konstitusyon na maaaring magmay-ari ang mga dayuhan nang hanggang 40% lamang sa naturang mga negosyo.
Bago nito, pinirmahan din ni Duterte noong Marso 5 ang mga amyenda sa Foreign Investment Act (RA 7402) para pahintulutan ang buong pagmamay-ari ng mga dayuhan sa mga sektor at industriyang dating eksklusibong nakalaan sa mga Pilipinong negosyante.
Kabilang dito ang sektor ng maliliit at katamtamang-laking negosyo sa bansa (small and medium enterprises o SMSE) na ibinukas na sa 100% dayuhang pagmamay-ari. Sa ilalim ng bagong batas, pinayagan nang mamuhunan ang mga dayuhan dito kahit ang ay kapital ay nasa $200,000 o ₱1 milyon lamang.
Noong Disyembre 10, 2021, pinirmahan naman ni Duterte ang mga amyenda sa Retail Trade Liberalization Act (RA 8762). Isinapubliko ang pinal na bersyon noong unang linggo ng Enero. Pinahintulutan ng rehimen ang mga dayuhan na magtayo ng negosyong tingian nang may kapital na ₱25 milyon, malayo sa naunang rekisitong kapital na ₱125 milyon sa orihinal na batas. Gayundin, kailangan na lamang ng ₱10 milyon na paunang kapital sa pagtatayo ng pisikal na tindahan, ibinaba mula sa naunang ₱41.5 milyon na rekisitong kapital.
Nasa 90% ng mga negosyong Pilipino ay maliliit at katamtamang laki. Halos kalahati ng mga ito ay nasa negosyong pagtitingi (tindahang sarisari at iba pa). Milyun-milyong Pilipino ang iniempleyo at nakaasa sa kita ng mga negosyong ito. Ang mga proteksyon para sa mga negosyanteng Pilipino laban sa kumpetisyong dayuhan ay nakasaad sa reaksyunaryong konstitusyon.
“Tuso” ang paglalarawan ni Rep. Gaite sa pagpasa ng Kongreso sa PSA at iba pang neoliberal na batas. Makailang administrasyon na ang nagtangkang baguhin ang konstitusyon sa pamamagitan ng lehislasyon para baguhin ang “proteksyunistang” mga probisyon nito pero lagi itong nabibigo, aniya. Kung kaya inilusot na lamang ang masasaklaw na pagbabago sa pag-amyenda sa baha-bahaging mga batas.
Mahigipit na kinundena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang rehimeng Duterte sa tripleng ulit na pambansang pagtataksil at sagadsaring pamamaninkluhod sa imperyalistang US sa kamakailang sunud-sunod na pagsasabatas ng mga patakarang ito.
“Lalong pinatitibay ng mga neoliberal na batas na ito ang mga pang-ekonomyang interes ng mga imperyalista sa bansa at lalong isasadlak ang ekonomya sa pagiging palaasa,” ayon sa PKP. “(H)ahantong sa pagkalipol sa pambansang burgeysa, ang pagpatay sa kasarinlang pang-ekonomya at ibayong paglubha ng kalagayang sosyo-ekonomiko ng bayan.”