Paggamit sa mga detindo sa mga “operasyong kontra-droga,” binatikos

Kinwestyon sa isang pagdinig sa Senado noong Lunes ang paggamit ng Philippine National Police (PNP) sa mga detinido sa mga “buy-bust operation” nito. Inilunsad ang pagdinig matapos na magkasa ng hindi koordinadong operasyon ang PNP at Philippine Drug Enforcement Agency sa isang mall sa Barangay Greater Lagro, Quezon City noong Mayo 14 na muntikang nauwi sa isa na namang shootout sa pagitan ng mga ahente ng dalawang ahensya.

Napag-alaman sa pagdinig na gumamit ang PNP ng isang babaeng detinido bilang aset sa naturang operasyon. Sa isang bidyo, inamin ng detinido na siya ay pinahintulutang lumabas sa kanyang selda dahil “may trabaho pa” umano siyang kailangang gampanan. Aniya, isinama siya dahil ginamit ng mga pulis ang kanyang selpon para makipagtransaksyon. Kadalasang pinagpapanggap ang mga aset bilang mga “buyer” (tagabili) o “pusher” (tagabenta) ng droga at inuutusang makipagtransaksyon sa mga target na arestuhin o nyutralisahin ng mga pulis o ahente ng PDEA.

Sa parehong pagdinig, napag-alaman na gumamit din ang mga pulis ng isa pang babaeng detinido bilang aset sa operasyong nauwi sa madugong engkwentro sa pagitan ng PNP at PDEA sa parking lot ng Ever Gotesco Mall sa Commonwealth Avenue, Quezon City noong Pebrero 24. Lumabas sa imbestigasyon na ginamit ng pulisya ang detinido ng Quezon City Police District na si Jonaire Decena na inaresto noong Pebrero 3. Pinagpanggap siyang tagabili ng shabu mula sa isang tulak na kinilalang si James Tan na umano’y nakatransaksyon na niya dati. Ayon sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI), inareglo umano ang transaksyon ng isang detinidong nagngangalang Melvin Magallon na nakakulong sa Sablayan Penal Colony. Si Magallon umano ang unang kumausap kay Decena. Para pagtakpan ang kapalpakan ng PNP at PDEA, pinalalabas ng NBI na ginamit lamang umano si Tan ni Magallon bilang “cover,” at na si Magallon umano ang “nagkumpas sa tyempo” ng operasyon.

AB: Paggamit sa mga detindo sa mga "operasyong kontra-droga," binatikos