Pagkatapos ng pitong taon: Kidawapan 43, pinawalang-sala

,

Pitong taon matapos sampahan ng mga pulis ng mga gawa-gawang kaso, pinawalang-sala ng isang korte ang 43 magsasakang hinuli noong Abril 1, 2016 sa isang barikada sa Kidapawan City, North Cotabato. Nagpoprotesta sila noon malapit sa bodega ng National Food Authority para igiit sa gubyerno ang ayudang pagkain sa harap ng labis na tagtuyot. Noong araw ding iyon naganap ang madugo at malagim na Kidapawan Massacre.

Ang 43 ay bahagi noon ng hindi bababa sa 6,000 libong Lumad at magsasakang nagbarikada sa haywey ng Kidapawan para igiit ang suporta ng gubyerno. Isa sa hinihiling ng mga nagbarikada ang paglalabas sa 15,000 sakong bigas na naka-imbak noon sa bodega ng NFA bilang subsidyong pagkain.

Ang mga nagbarikada ay nagmula sa mga bayan ng Matalam, Ka-bacan, Makilala, M’lang, Tulunan, Magpet, Roxas, Antipas, Arakan at Kidapawan City, pawang sa North Cotabato na tinamaan ng matinding tagtuyot dulot ng penomenong El Niño. Pitong buwan nang apektado ng tagtuyot ang 237,000 ektaryang sakahan ng mga magsasaka.

Payapa silang nagbabarikada noong Abril 1, 2016 nang buwagin ng mga pulis sa atas ng dating rehimeng US-Aquino II ang mga magsasaka. Pinagbabaril ng mga pulis ang mga magsasaka na nagresulta sa pagkamatay nina Rotello Daelto ng Arakan Peasant Progressive Organization, Victor Lumandang ng Apo Sandawa Lumadnong Paghiusa (SLP) at Enrico Pabrica. Hindi bababa sa 140 ang nasugatan sa pamamaril at pambubugbog. Mahigit 100 ang inaresto at 43 ang sinampahan ng kaso.

Sa desisyon ng lokal na korte, kinatigan nito ang inihaing mosyon ng mga magsasaka na “demurrer to evidence” dahil sa kakulangan o pagiging mabuway ng ebidensya na ipinresenta ng prosekusyon.

Ipinaliwanag pa ng korte na nabigo ang prosekusyon na kilalanin ang mga indibidwal na reponsable sa kasong isinampa nila. Ayon pa dito, hindi natukoy ng mga saksi kung ang sinasabi bang nambato sa mga pulis ay ang mismong mga inaresto.

“Neither do any of the officers’ testimonies pointed to a specific accused as the same person who threw a stone towards members of the PNP,” (“Wala sa kahit anong testimonya ng mga upisyal ang nagturo sa partikular na akusado na siya mismong naghagis ng bato sa mga myembro ng PNP,)” sabi pa ng korte.

AB: Pagkatapos ng pitong taon: Kidawapan 43, pinawalang-sala