Balita

Paglakas ng National Democratic Front sa rehiyong Ilocos, tagumpay ng PKP

,

Kinilala ng National Democratic Front (NDF)-Ilocos ang susing tungkulin ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa pagbubuo at pagpapalakas ng NDF sa buong rehiyong Ilocos. Ipinahayag ito ni Ka Rosa Guidon, tagapagsalita ng NDF-Ilocos, sa pagbati ng organisasyon sa Partido sa ika-55 anibersaryo nito.

Ayon kay Ka Rosa, “mahalagang tagumpay ng Partido ang pagkakabuo ng NDF sa Ilocos…at sa pamamagitan nito ay nabibigkis ang lakas ng masang magsasaka, manggagawa, panggitnang mga uri at lahat ng demokratikong sektor sa rehiyon para ipaglaban ang kanilang demokratikong interes.”

Aniya, ang wastong linya ng Partido ang naging armas ng NDF-Ilocos upang tukuyin ang mga anyo ng malapyudal at malakolonyal na kalagayan sa rehiyon upang umusbong at yumabong ang rebolusyonaryong pakikibaka dito. “Patuloy na gumagabay at aktwal na nakikibahagi ang Partido sa pagsusulong ng armadong pakikibaka at agraryong rebolusyon at pakikibaka ng lahat ng maralita’t pinagsasamantalahan sa rehiyon,” pahayag ni Ka Rosa.

Inarmasan ng Partido ang mga rebolusyonaryong pwersa at masa ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, kung kaya’t napanday ang kanilang kapasyahan sa buhay at kamatayang pakikibaka, ani Ka Rosa. Dagdag pa niya , “pinagkaisa sila sa mga lagom na aral at pinamumunuan ang pagtutuwid sa mga kamalian at kahinaan kung kayat natatahak ang wastong linya ng pagsulong.”

Pinagpugayan ng NDF-Ilocos ang Komite ng Partido sa Ilocos sa pananatili nitong solido at nagkakaisa sa kabila ng pagsisikap ng kaaway na tugisin at durugin ito sa pamamagitan ng panggigipit sa mga kadre at kasapi nito.

“Tiwala ang buong NDF-Ilocos, sa pamumuno ng Partido, na maitataguyod, mapapalakas at mapapalawak ang nagkakaisang prente ng lahat ng mga pinagsasamantalahang uri sa rehiyon,” ayon pa kay Ka Rosa.

Sa pahayag ng Komite Sentral ng Partido noong ika-55 anibersaryo nito, inatas nito ang pagpapatatag sa pinakamalapad na antipasista, anti-imperyalista at antipyudal na nagkakaisang prente laban sa rehimeng US-Marcos.

Kabilang dito ang patuloy na pagpapalakas at pagpapalawak sa NDFP at lahat ng mga alyadong organisasyon nito. “Tipunin ang pinakamalapad na pampulitika at materyal na suporta ng bayan para sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka,” ayon sa Komite Sentral.

AB: Paglakas ng National Democratic Front sa rehiyong Ilocos, tagumpay ng PKP